QUINCY JOEL CAHILIG
PAGDATING sa positivity, talaga namang bumibida ang mga Pinoy. Makikita ito sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan haharapin umano ng 96 porsyento ng mga Pilipino ang taong 2020 ng may pag-asa.
Naniniwala ang ilan na ang optimism na ito ng mamamayan ay dahil ramdam nila na nasa tamang landas ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte. Para sa Duterte administration, ang taong 2019 ay maituturung na “exemplary year” para sa bansa pagdating sa pagpapaangat sa antas ng pamumuhay sa bansa sa pamamagitan ng mga repormang ipinapatupad ng pamahalaan.
“The economy is on the roll with a BBB+ rating. The Board of Investments has also breached its PHP1-trillion 2019 investment target as of October 2019, according to the Department of Trade and Industry. There are fewer poor Filipinos with almost six million lifted out from poverty. Employment has hit a 14-year high. Inflation has been tamed,” pagmamalaki ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Aniya pa, dapat na asahan ngayong taon na ipagpapatuloy ni Pangulong Duterte ang krusada kontra sa katiwalian sa pamahalaan. At asahan umano na di sasantuhin ang sinumang tiwaling opisyal—bagay na hinahangaan ng mga tagasuporta ng Pangulo.
“Lahat ng mga illegal eh uubusin niya. Wala siyang sasantuhin,” wika ni Panelo.
REPORMA SA BUWIS
Isa sa mga reporma na nakapagdulot ng positive impact sa bansa ay ang reporma sa buwis sa pamamagitan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Sa bisa ng naturang batas, itinaas ang take-home pay ng mga empleyadong di hihigit sa PHP25,000 ang monthly income at pinatawan ng excise tax ang sugar-sweetened beverages. Bahagi rin nito ang pagpapatupad ng Department of Finance ng karagdagang tobacco excise tax sa pamamagitan ng Republic Act 11346 nitong 2019.
Ang mga hakbang na ito ay nakapagbigay ng karagdagang pondo sa pamahalaan sa nagdaang taon para matustusan ang mga programang Build, Build, Build massive infrastructure program, at ang Universal health Care program, na magbibigay ng abot-kayang health care services sa bawa’t pamilyang Pinoy.
Tinukoy din ng Finance department ang Rice Tariffication Law na isang factor sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa dahil pinaluwag nito ang rice importation, na nagpababa sa presyo ng bigas sa merkado. Dahil dito, naging tuloy-tuloy ang pagbagal ng inflation rate ng Pinas bansa nitong 2019, na matatandaang sumipa pa sa 6.7 porsyento noong 2018. Base sa datos, as of November 2019, naitala sa 1.3 porsyento ang inflation rate ng bansa.
Dahil sa mga repormang ito sa pagbubuwis, lumakas ang tax to gross domestic product ng bansa sa 14.7 porsyento at sumipa rin ang tax-to-GDP ratio ng bansa sa 15.7 porsyento, na pinakamataas sa third-quarter level sa nakalipas na 22 taon.
Dagdag dito ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, mas paiigtingin pa ng pamahalaan ang kampanya para buwisan ang mga Philippine Offshore Gaming Operations, na nakitaan ng mga paglabag sa pagbubuwis. Mula nang pasimulan ng gobyerno ang pagsugpo sa mga illegal gambling operators nitong Setyembre, nakakolekta umano ang Bureau of Internal Revenue ng nasa PHP1.2 bilyong halaga ng corporate taxes.
“Basically we’re going hard against people who are evading taxes. It is unfair to Filipino taxpayers dutifully paying their taxes for these POGOs to continue with their tax-dodging practices,” wika ni Dominguez.
REPORMA SA EDUKASYON
Isa sa mga naging eye opener sa bansa nitong 2019 ang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018. Ikinumpara dito ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa 79 na member and partner countries ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD), kung saan nangamote ang performance ng Pilipinas sa reading, mathematics, at science.
Nakakuha ang Pilipinas ng 340 puntos sa reading (OECD member and partner countries average: 487 points), 353 puntos sa mathematical literacy (average 489 points), at 357 puntos sa science (average 489 points).
Kaya naman minabuti ng DepEd na magpatupad ng mga agresibong reporma para matugunan ang problema. Gagamitin umano ng ahensya ang resulta ng PISA bilang gabay sa pagbuo ng mga panuntunan upang masigurong epektibo ang pagtuturo ng basic education.
Inilunsad ng DepEd ang “Sulong Edukalidad” na tututok sa pag-review ng K to 12 program, pagpapaganda ng mga learning facilities, ibayong training ng mga guro at school heads, at ang paghikayat sa mga stakeholders na lumahok at suportahan ang programa.
“DepEd calls the entire nation to take active involvement, cooperation, and collaboration in advancing the quality of basic education in the Philippines,” pahayag ng DepEd.
SUPORTA NG MAMAMAYAN, KAILANGAN
Samantala, tiniyak ng Malacañang na di magiging puro porma lang ang mga repormang ipinangako ng Pangulo buhat pa sa pasimula ng kanyang termino dahil pipilitin umano ng Chief Executive na magkaroon ng mapayapa at masaganang buhay ang mga Pilipino alinsunod sa mandato niya sa ilalim ng Saligang Batas.
“At walang pwersa o tao ang makakapigil sa kanya hanggang matapos ang kanyang termino bilang presidente,” wika ni Panelo. “Bibigyan niya ng kaukulang pagtugon ang lahat ng pangangailangan ng sambayang Pilipino na magkaroon ng kumportableng buhay.”
Nanawagan naman si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa bawa’t Pinoy na ibigay ang full support sa mga polisiya ng Duterte administration para masiguro ang pagtatagumpay ng mga ito.
“We ask everyone to support our government. It is through the participation of those in the government and of its citizens that we can continue and further the achievements of the administration thus far,” wika Andanar sa isang pahayag.
“It is through working together and being positive that we can not just hope for a better future, but expect one for 2020 and beyond,” aniya.