US President Donald J. Trump sa isang political rally
Ni: Quincy Cahilig
IPAPATUPAD ni US President Donald Trump ang pagdarasal sa mga pampublikong paaralan. Ito ang tiniyak niya sa isang reelection rally na dinaluhan ng libo-libong American Christians.
“We are defending religion itself, it’s under siege. A society without religion cannot prosper,” wika ni Trump sa mga miyembro ng King Jesus International Ministry, isang “prosperity gospel” church na nakabase sa Miami.
Labis na ikinatuwa ng audience ang mga pahayag ni Trump na bibigyan niya ng puwang ang pagtuturo ng religion sa mga paaralan sa US, bagay na taliwas sa isang probisyon sa US Constitution na nagbabawal sa pamahalaan na mag-promote ng isang relihiyon. Kaya rin walang pagdarasal at walang religious symbols sa mga pampublikong paaralan sa Amerika.
“Very soon I’ll be taking action to safeguard students and teachers’ First Amendment rights to pray in our schools. They want to take that right along with many other ones,” sabi ni Trump sa nasa 7,000 na dumalo, na kaniyang hinihikayat na suportahan siya para sa ikalawang termino.
Sa kanyang talumpati, inakusahan din ni Trump ang mga Democrats na nakikipag-giyera sa relihiyon.
“These angry radicals want to impose absolute conformity by censuring speech, tearing down crosses and symbols of faith and banning religious believers from public life,” aniya.
Nasa 80 porsyento ng mga white evangelicals ang bumoto kay Trump noong 2016 election.
Ayon sa isang pag-aaral ng Pew Research Center, nasa 110 million ng mga US adults ang Protestante, at 59 porsyento sa kanila ang evangelical Christians.