HANNAH JANE SANCHO
INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang planong palawigin ang kaniyang termino.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang kaniyang pahayag sa kaniyang talumpati sa ceremonial distribution ng agricultural assistance sa mga magsasaka sa Pigcawayan, Cotabato.
Sinabi ng pangulo na pagod na siya sa marami nang dekadang pagtatrabaho niya sa gobyerno.
Ayon kay Duterte, natutuwa at maginhawa na siya pagbaba sa puwesto para magretiro.
Nasa huling dalawang taon na ngayon ng panunungkulan sa malakanyang si Duterte.
Inamin din ng punong ehekutibo na alam niya ang ginagawang pagpansin ng mga mamamayan sa kanyang kulay dahil sa hinalang maysakit siya sa kidney at malapit nang mamatay.
Tugon ng pangulo, wala namang taong makakaligtas sa kamatayan pero tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.