Ni: Jonnalyn Cortez
PAGTITIBAYIN ng Philippine Sports Commission ang Olympic training program ng mga atleta at coach sa bansa matapos ang matagumpay na 30th Southeast Asian Games kamakailan.
Marami sa atletang Pinoy ang naging kampeon sa naturang palaro, kaya’t nais ng ahensya na palawigin pa ang programang ito.
Inihayag ni PSC chairman Butch Ramirez na magiging pangunahing agenda ng komisyon ang pagsasanay sa mga atleta at coaches sa unang quarter ng taon upang mas maraming Pilipino ang makalahok sa Tokyo Olympics sa Hulyo.
“We plan to give more quality foreign exposures that will improve the athletes’ Olympic medal search,” aniya. “Our target is to improve the nutrition, provide sports medicine, rehab, sports science and sports physiology,” saad ni Ramirez.
Sa ngayon, tanging ang world champion gymnast na si Carlos Yulo at pole vaulter na si EJ Obiena ang siguradong makakalahok sa Tokyo Olympics. Mas marami namang qualification tournaments ang nakatakdang magbukas sa darating na mga buwan, tulad ng boxing, taekwondo, weightlifting, swimming, at athletics.
Dagdag pa ni Ramirez, nagbubunga na ang limang taong estratehiya ng PSC mula nang maupo siya sa pwesto noong 2017 nang maging overall champion ang Pilipinas sa nagdaang SEA Games; nakapag-uwi ang mga Pilipinong atleta ng 149 gold medals, 117 silver at 121 bronze.
“I’m positive that (success will continue) if the national sports associations involved will continue working with us effectively like in the Philippine team,” sabi ni Ramirez.