Louie C. Montemar
SA pagpasok ng bagong taon, ang balita ng isang pagpapatiwakal o suicide ang unang bumulaga sa akin. Naisip ko tuloy iyong maling paniniwala na mas marami raw ang nagpapatiwakal kapag may mga holiday.
Para kay Emile Durkheim (1972, p. 184, The Division of Labor in Society), ang anomie ay “isang kalagayan kung saan ang mga panlipunan at moral na kaugalian ay nakakalito, malabo, o sadyang nalusaw na.” Para kay Durkheim, ang ganitong kalagayan kung saan may kalabuan o kawalan ng mga pagpapahalaga ang nagbubunsod sa deviant behavior at isang halimbawa nito ang pagpapatiwakal.
“Deviant behavior,” paano isasalin ito — ang kakaibang pag-asta o pag-uugali? Kakaibang pagkilos? Sablay na trip? Ano nga ba ito?
Sa araling panlipunan, ang deviant behavior ng pagpapatiwakal o suicide ay may iba’t ibang tipo. Isa rito ang tinatawag na anomic suicide, kung saan “talamak at malubha ang anomalyang pang-ekonomiya, at talamak at malubha ang domestic anomie… at lahat ng ito ay nagsasangkot ng isang kawalan ng balanse sa pagitan ng mga paraan at pangangailangan, kung saan nangangahulugan na hindi natutugunan ang mga pangangailangan,” wika ni Durkheim.
May isang dekada na rin ang nakararaan subalit parang kahapon lamang nang ang anak ng isang kaibigan at kapwa ko guro ang nabalitang nagpatiwakal. Ayon sa kwentong nakarating sa akin, pag-ibig raw ang dahilan.
Si Durkheim ang agad na pumasok sa isip ko noon at ang kanyang naisulat hinggil sa pagpapatiwakal. Iniisip ko kasi noon kung paano ko kaya “maipapaliwanag,” gamit ang mga ideya ni Durkheim, na ang isang 17-taong gulang na lalaki, panggitna sa magkakapatid, mag-aaral ng Computer Science… ang basta na lamang susuko sa buhay. Sa isang banda naisip ko rin: Haay… Florante at Laura, hindi kayo magandang halimbawa.
Subalit ito ang talagang alalahanin ko noon: Hindi ko alam kung paano ko haharapin noon, sa aking pagdalaw, ang aking kapwa guro. Paano ba pagagaanin, kahit paano, ang nagdurugong puso ng isang inang nangungulila sa kanyang dating sanggol? Ito ang tila mas mahirap na tanong kaysa sa kung ano ang sosyolohikal na paliwanag sa pagpapatiwakal.
Bago ang pag-usbong at paglaganap ng sosyolohiya at iba pang siyentipikong disiplina, pinapalagay ng mas marami na ang Diyablo o mga masasamang espiritu ang sanhi ng mga tinataguriang deviant behavior.
Baka mas mabuti nga ngayon at hindi na gaanong kinakabit ang Diyablo sa mga suicide. Isipin mo naman, paano mo sasabihin sa isang nagmamahal na “Kapatid, kinuha siya ng Diyablo.” ‘Ika nga ng isang pampelikulang karakter na dating ginampanan ni Senador Ramon Revilla: “Diyablong buwang!” Hindi naman tama ‘di ba?
Paano nga ba pagagaanin, kahit paano, ang nagdurugong puso, lalo na ng isang magulang, sa harap ng ganitong kapait na pagkawala ng mahal na anak?
Ito ang isang tanong na hindi basta masasagot ng siyensiya ni Durkheim o ng superstisyon tungkol sa Diyablo.
Sa kabila nito, may sapat na tayong kaalaman sa usapin ng pagpapatiwakal para maibsan ang bilang ng mga taong ito na tinuturing na may suliranin sa kalusugang pang-kaisipan. Mayroon pa tayong Mental Health Law na mapagbabatayan ng mga programa para dito. Kailangan na lamang ang matamang pamumuno at kooperasyon ng mga mamamayan.