TAMANG pag-aalaga sa tainga susi sa malinis na pangangatawan.
NI: MARILETH ANTIOLA
KASAMA rin sa ating personal hygiene ang paglilinis ng ating mga tainga, ngunit ang iba ay hindi alam na maaring makapinsala sa tainga ang araw-araw at maling paglilinis nito.
Nakaugalian na ng ibang tao na pagkatapos nilang maligo bago umalis ay naglilinis muna sila ng kanilang mga tainga. Ngunit sa totoo lang ay maling ugaliin na maglinis araw-araw sa loob at maging sa labas ng tainga.
Ang earwax o tutuli ay bahagi ng proteksyon ng ating mga tainga, isang uri ng secretion na nagsisilbing taga-sala ng pumapasok na dumi at alikabok sa ating mga tainga.
Kapag ang isang tao ay araw-araw naglilinis ng kanilang mga tainga ay nawawalan ng pagkakataon na makaipon ng tutuli o earwax. Mawawalan ng proteksyon ang mga tainga, halimbawa sa mga insektong aksidenteng bigla-bigla na lang pumapasok sa tainga kung may tutuli o earwax ay hindi agad-agad makakapasok sa kaloob-looban ng tainga ang ano mang insekto.
. Ayon sa mga espesyalista o doktor ay mas mainam na maglinis ng tainga dalawa o tatlong beses sa loob ng isang linggo.
- Gumamit ng mga cotton buds na sakto lamang sa inyong mga tainga
- Huwag gumamit ng mga kahoy na panglinis na madaling maputol.
- Ganun din ang mga gawa sa metal na panglinis ng tainga dahil baka mapasobra ang inyong paglilinis at baka ito ay dumugo o masugatan ang inyong mga tainga.
- Kapag nararamdaman na masakit o makirot ang tainga pagkatapos ng paglilinis mas mabuti na pumunta agad sa malapit na ospital o health center upang ipatingin kung ano ang nangyari sa inyong mga tainga para hindi na lumala.
Karaniwang mas maraming tutuli ang mga bata, ngunit habang nadadagdagan ang edad ng isang ato ay mas kumukunti at nababawasan ang pagdami o produksyon nito.
Alagaan at linisin ang lahat ng parte ng katawan upang makaiwas sa ano mang mga sakit o karamdaman.
Tandaan ang malusog at malinis na katawan ay nagsisimula sa maayos at disiplinandong pag-aalaga.