Ni: Jonnalyn Cortez
BILANG isang empleyado, meron kang responsibilidad na gawin ang iyong nakatakdang gawain. Sinasabing ang pagiging matagumpay ay nagsisimula sa pagiging responsable. Kaya, kung gusto mong mapabuti sa trabaho at umunlad ang iyong career, eto ang ilang tips.
Matutong makipag-usap nang maayos. Importante ang pakikipag-usap nang maayos lalo na sa opisina. Maging sa pagsusulat man yan, pakikipag-usap ng harapan, sa telepono, chat o e-mail, dapat ay maayos at pormal kang makipag-usap. Ang pagkakaroon ng magandang communication skills ay importante hindi lamang sa trabaho ngunit para na rin sa iyong pagkatao.
Magkaroon ng positibong pananaw. Kailangan mong magkaroon ng positibong pananaw sa trabaho. Imbes na magreklamo sa mga pinapagawa ng iyong boss, ba’t di na lamang ngumiti, magkaroong ng kaaya-ayang disposition sa trabaho at magandang work ethic.
Magkaroon ng kusa. Huwag maging robot sa trabaho na kailangan pang sabihan kung anong kailangang gawin. Kung alam mo naman ang iyong dapat gawin, magkaroon ng kusa at simulan ito. Gawin mong responsibilidad ang pagiging produktibo sa trabaho para matulungan ang paglago ng inyong kumpanya.
Laging ibigay ang iyong 100 percent. Iyong responsibilidad ang ibigay ang 100 percent ng iyong kakayahan sa anumang trabahong dapat mong gawin. Ang pagiging produktibo ang magiging pamantayan kung gaano ka kabuti at karesponsableng empleyado. Sa katunayan, ang mga produktibong empleyado ang karaniwang na-po-promote bilang mga managers at supervisors.
Maging masipag. Magsikap gawin ang lahat ng ibinigay na trabaho sa iyo at gampanan nang mahusay. Ugaliing maging masipag upang maging isa ka sa mga pinaka-importanteng empleyado sa inyong kumpanya.
Ang pagiging maunlad ay nagsisimula sa pagiging responsable. Pag nakita ng iyong boss na ikaw ay masipag at responsable, mas mataas ang iyong tyansa na ma-promote. Pag iyong pinakita na mapagkakatiwalaan ka kahit sa maliliit na trabaho, pinapatunayan mo lamang na kaya mong pangasiwaan kahit pa ang malalaking bagay.