ISA sa mga patunay ng pagtatagumpay ng war on drugs ng Duterte admin ay ang patuloy na pagbaba ng krimen at pagkahuli ng drug suspects sa bansa. (Larawan mula sa PNA)
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MAHIGIT tatlong taon nang binabaka ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema ng droga sa bansa, alinsunod sa pangunahing pangakong binitawan ng Chief Executive mula pa sa kanyang kampanya sa pagkapangulo. Ang burahin ang drogang salot sa lipunan tungo sa pagbagsak ng krimen, para sa mapayapa at progresibong Pilipinas.
Subalit sa kabila ng magandang intensyon ng giyera kontra droga ng administrasyon (a.k.a. Oplan Tokhang), marami rin ang pumupuna sa pagpapatupad nito dahil umano sa mga paglabag sa karapatang pantao ng anti-drug operations ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa police records, mahigit 6,700 drug suspects ang napatay buhat sa pasimula ng drug war noong 2016—at ang mga ito ay di dumaan sa due process.
Isa sa mga kritiko ng Oplan Tokhang si Bise Presidente Leni Robredo, na miyembro ng oposisyon. Noong ika-4 ng Nobyembre ng nakaraang taon ay binigyan siya ng pagkakataon ni Pangulong Duterte na maging co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) para maisagawa ang sa tingin ni Robredo ay mas mahusay na pamamaraan para resolbahin ang problema ng droga. Pero pagkatapos ng 18 na araw sa ICAD, tinanggal din siya sa pwesto dahil dismayado ang Pangulo sa kanyang estilo.
Bagama’t maikli ang kanyang stint sa ICAD, nakakalap si Robredo ng impormasyon tungkol sa war on drugs, na kamakailan ay isinapubliko niya. Sa kaniyang 40-pahinang report, tinawag niyang “massive failure” ang drug war ng administrasyon dahil sa pagkabigo umano ng mga law enforcers na sugpuin ang main suppliers ng bawal na gamot.
“If you liken it to an exam, the government’s score is one out of 100,” pag-grado ni Robredo sa Oplan Tokhang.
Batay umano sa datos ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group, ayon kay Robredo, nasa 3,000 kilograms o katumbas ng P25 billion ang kinokonsumong shabu sa bansa kada linggo, subalit ang nakulimbat lang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay 1,344.87 kg. mula Enero hanggang Oktubre 2019.
SA kabila ng maraming bilang ng pumapabor sa drug war ng Duterte admin, marami rin ang naniniwala na may mga nagaganap na paglabag sa human rights sa implementasyon nito batay sa survey ng Social Weather Stations
(Larawan mula sa Human Rights Watch)
“The drug war is really a failure. The campaign against illegal drugs has many aspects, but almost the entire funds were poured into neutralizing small-time pushers and users. They forgot to look into the aspect on where the bulk of drugs that victimize the youth and our citizens are coming from,” wika ng Pangalawang Pangulo.
Iniulat din ni Robredo na ang halaga ng frozen assets na may kinalaman sa kalakalan ng droga na hawak ng Anti-Money Laundering Council ay nagkakahalaga ng PHP1.4 bilyon mula 2017 hanggang 2018.
Malinaw, aniya, na sa kabila ng malaking bilang ng mga napatay, isang porsyento lamang ng shabu supply at drug money sa buong bansa ang nakulimbat ng awtoridad.
“This is less than one percent of estimated profits from the illegal drug trade. Supply constriction, as an aspect of the overall strategy against illegal drugs, has been a massive failure,” wika ng ikalawang babaeng Vice President sa kasaysayan ng bansa.
MGA TAGUMPAY SA GIYERA KONTRA DROGA
Ang pagtatagumpay sa isang giyera ay kinapapalooban ng serye ng pagkapanalo sa mga engkwentro. Kung pagbabatayan ang datos ng war on drugs, marami nang naipanalong mga laban ang pamahalaan—bagay na hindi umano nakita ni Robredo.
Bwelta ni Pangulong Duterte sa report ng Pangalawang Pangulo, marahil ay di niya nakita ang “good picture” ng war on drugs dahil sa kaniyang maikling paninilbihan sa ICAD.
“I cannot make a sweeping statement to say that she is right. Hanggang ‘maybe’ lang siya. Maybe she is right. Maybe I will listen,” But for her stint of 18 days with ICAD, it seems to me (that) it’s (a) very short time to get a good picture,” ani Duterte sa isang panayam ng media.
Kabilang dito ang patuloy na pagbagsak ng crime rate sa buong bansa. Ayon sa PNP, bumaba ang crime rate sa buong bansa ng 21.5 porsyento mula nang inilunsad ang drug war noong 2016.
“This is clear proof that President Duterte’s drug war is winning. And we have been on the right path in the campaign against illegal drugs because the consistent decline in crime means continuous improvement in peace and order,” pahayag ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, chief, PNP Directorial Staff.
Para naman kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang report ni VP Leni ay pamumulitika lang.
“I see her recommendations as a mere political attack against President Rodrigo Duterte,” wika ni Aquino. “Vice President Leni Robredo’s statement is SADDENING – 18 days as ICAD co-chairman yet she has dismissed and ignored all of our government’s accomplishments and efforts for the past three years.”
Wika pa ni Aquino, nasa 16,706 barangays sa 33,881 buong bansa (49.13 porsyento) na ang drug free. Mula 2016 to 2019, nasamsam din ng PDEA ang illegal na droga na may kabuuang halagang P45 bilyon mula sa 162,987 operasyon, at 225,284 na pag-aresto.
PARA kay Vice President Leni Robredo, ‘massive failure’ ang drug war ng pamahalaan dahil hindi nito nasugpo ang mismong mga source ng bawal na gamot sa kabila ng pagpatay at paghuli sa libo-libong drug suspects
(Larawan mula sa VP Leni Robredo FB page)
Bumwelta naman si Robredo na kung palpak ang kanyang report, ibig sabihi’y palpak ang datos na ibinigay sa kanya ng mga ahensyang kasapi sa ICAD.
“Kapag tinignan niyo ‘yong buong report, talagang ‘yong data na ginamit namin from the agencies. Kaya kapag sinabi nila na mali ‘yong data kuno, eh galing ‘yon sa kanila,” sagot ni Robredo sa Kapihan sa Manila Bay press conference.
Nakahanda rin umano siya na dumalo sa Congressional hearings para ilahad ang kanyang findings and recommendations sa war on drugs ng Duterte admin.
“I really want to be invited so that I will have an official platform to discuss my report. I hope I can be invited at the soonest possible time,” sabi ni Robredo sa kanyang radio show.
SUPORTA MULA SA MGA PINOY
Kung taongbayan ang tatanungin, majority ng mga Pinoy ang pabor sa war on drugs. Ayon sa SWS survey, 79 porsyento ng mga Pilipino ang ‘satisfied’ sa kampanya kontra droga. Sa kabila nito, naniniwala rin naman ang karamihan na may nagaganap na human rights abuses sa anti-illegal drugs campaign implementation.
Sa SWS Survey na isinagawa noong December to 13 to 16, lumabas na naniniwala ang 76 porsyento ng mga Pinoy na may human rights abuses sa drug war ni Duterte. Kaya di na rin nakakapagtaka kung bakit nagkaroon ng negatibong connotation ang salitang ‘tokhang’, na ang tunay na kahulugan sa bisaya ay kakatukin at kakausapin. Ngunit ngayon, ang agad na pakahulugan ay pinatay dahil involved sa droga.
Hangad ng lahat na ang kapayapaan at kaayusan sa bansa at marami ang umaasa na mapagtatagumpayan nga ng Pangulo na masugpo ang droga, na ugat ng maraming kasamaan sa lipunan. Subali’t di rin maitatanggi ang mga isyu sa Oplan Tokhang na kailangang lutasin ng awtoridad para hindi mauwi sa ‘massive failure’ ang mga pakikibakang ito ng pamahalaan pagsapit ng pagtatapos ng termino ni Pres. Duterte sa 2022.