JONNALYN CORTEZ
ISA sa maraming indikasyon na patuloy ngang umuunlad ang real estate market sa Pilipinas ang mga bago, nagtataasan at nagagandahang mga imprastraktura sa bansa. Di makakaila na napakarami na ngang bagong tayong pasyalan at condominiums lalo pa sa Metro Manila.
Sinasabing isa sa pinakamabilis na lumago at patuloy pang yumayaman, sa mga sektor ng ekonomiya, ang real estate. Naitala rin na hindi lang ito nangyayari sa Pilipinas kundi sa buong Asya rin.
Kasabay ng pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas matapos humupa ang inflation rate noong 2019, ang paglago ng pag-upa. Patuloy ring tumaas ang demand sa property sector, office space, tirahan at retail sa mga siyudad partikular na sa Pampanga at Davao.
Mga dahilan ng paglago
Business process outsourcing. Isa sa pangunahing dahilan na tinitingnan ay ang industriya ng business process outsourcing (BPO). Napakaraming dayuhang kumpanya na pinipili ang Pilipinas pagdating sa outsourcing.
Malaking bahagi nito ay karamihan sa mg Pilipino ang nakakapagsalita at nakakaintindi ng wikang Ingles at gusto umano ng mga BPO ang ugali ng mga Pilipino pagdating sa trabaho. Mas maunawain, masipag at magalang daw ang Pinoy kumpara sa iba nilang opsyon.
Maraming nagsasabi na mado-doble ang bilang ng industriyang ito sa bansa ngayong 2020. Inaasahang patuloy pa itong uusbong sa susunod pang mga taon.
Mamimiling Tsina at iba pang dayuhan
Malaki ang naiambag ng mga dayuhan na pinipiling manatili sa bansa dahil sa dami ng oportunidad at di hamak na murang pamumuhay sa Pilipinas.
Partikular na ang mga Tsinong naaakit sa mga bagong pasugalan o gaming markets sa bansa. Bahagi ang mga dayuhang ito sa tinatayang mahigit 50 porsyentong kabuuang dami ng pag-upa ngayon. Sinasabing mula 2016, nasa 100,000 na mga manggagawang Tsino ang nanirahan at piniling magtrabaho sa bansa.
Dahil sa patuloy na pag-usbong ng mga online gaming firms, lumalaki ang demand sa pagpapagawa o pag upa ng mga tanggapan, pangangailangan ng mga trabahador gayundin sa demand ng mga tirahan.
OFW Remittances
Sinasabing hanggat nananatiling mataas ang OFW remittances sa bansa, ang demand sa real estate partikular sa tirahan ay mananatili ring mataas.
Mas maraming kumikitang proyekto ngayon lalo sa pagpapagawa o pagbili ng tirahan. Kadalasan umano ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa pinipiling mag-invest sa real estate.
Noong nakaraang taon, sinasabing umabot sa mahigit US $16 billion o mahigit P319 million ang kitang naipadala ng ating OFWs na tinatayang 10 porsyento ng ekonomiya. Ang Pilipinas umano ang pangatlo sa pinakamalaking tumatanggap ng foreign remittances sa buong mundo.
Sa pagpapakitang gilas nito, mas na-engganyo ang mga lokal at mutinational developers na magkaroon ng partnership para makagawa ng mas maraming proyekto sa real estate hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsya.
Pag usbong sa Pampanga at Davao
Ang Pampanga raw, partikular ang Clark, ang makapagbibigay ng pinakamalaking suplay ng office space at tirahan sa susunod na limang taon. Bukod kasi sa maraming nagsulputang BPO sa syudad, nakadagdag sa pangunahing dahilan ng pag-unlad ng real estate dito ang bagong tayo at bukas na paliparan, ang Clark International Airport.
Sa pag-usbong ng mga bagong tanggapan at pagbubukas ng mga bagong oportunidad, hula nila na mas magiging matatag at maunlad ang real estate sa nasabing lugar.
Gayundin, isa ang Davao City sa mga syudad na may maunlad na ekonomiya sa bansa. Katunayan ayon sa Davao Investment and Promotion Office, mahigit 9.4 porsyento ang naiambag ng syudad sa buong rehiyon. Galing umano ito sa real estate investment na patuloy na lumalago sa mga nakalipas na taon.
Sinabi pa sa isang report, tunay na malaki ang naiambag ng Davao City sa pag-unlad ng real estate sa bansa partikular sa sektor ng residential o tirahan at office spaces.
Land Shortage
Ayon umano sa bilis at patuloy na paglago ng real estate market sa bansa, may mga nagsasabing hindi lamang water shortage ang meron tayo; may kakulangan na rin daw ang bansa sa lupang tatayuan ng mga proyektong may kaugnayan sa real estate.
Sa laki ng demand nito, nababahala ang ilan na hindi matugunan nang maayos ng real estate local at multinational partners ang ating pangangailangan lalo’t nakalaan ito para sa tirahan, pangkabuhayan, mga tanggapan at komersyal.
Isa rin daw ito sa maraming dahilan kung bakit nagtataasan ang presyo ng lupa, renta sa opisina at upa sa mga apartment. Pinangangambahan na ito ang maging sanhi ng paghina ng real estate market.