JHOMEL SANTOS
UMABOT na sa 638 (Pebrero 7) katao ang nasawi sa 2019 novel coronavirus outbreak na nagsimula sa Wuhan City sa China.
Ayon sa report ng Chinese government, 69 na bagong nasawi ang kanilang naitala kung saan kabilang dito ang unang doktor na nakatuklas ng bagong strain ng coronavirus.
Maliban dito, aabot rin sa 2, 447 ang bagong kaso ng NCoV ang kanilang naitala sa Hubei Province.
Patuloy naman nagsasagawa ng mga hakbang ang China upang makontrol ang paglaganap ng naturang sakit.
Samantala, 41 katao na sakay ng diamond princess cruise ship na naka-quarantine sa Yokohama Bay sa Japan ang nagpositibo sa NCoV.
Dahil dito, umabot nasa kabuuang 61 ang kumpirmadong nahawaan ng virus kabilang na ang isang Pinoy na kasalukuyan na ngayong ginagamot sa isang ospital.
Doktor na unang nakatuklas ng coronavirus, pumanaw na
Pumanaw na ang Chinese doctor na unang nagsiwalat sa publiko kaugnay sa bagong “SARS-like” disease na tinawag ngayon na coronavirus o NCoV.
Kinumpirma ng World Health Organization ang pagkamatay ni Dr. Li Wenliang matapos dapuan ng NCoV.
Enero 12 nang dalhin sa pagamutan ang doktor matapos na mahawaan ng kaniyang pasyente na nakumpirmang mayroong NCoV.
Noond Disyembre 2019 ay nagbabala si Li sa nasabing pagkalat ng bagong virus na ikinagalit ng mga local health authority.
Ipinatawag pa si Li ng mga kapulisan dahil inakusahan ito na nagpapakalat ng tsismis na nagdudulot ng takot sa publiko.