MAY magandang dahilan upang hangaan ng mga kabataang Pilipino ang mga Koreano. At, hindi ito dahil sa K-Pop o ang kanilang musika mula sa mga boy bands at girl bands gaya ng BTS at Black Pink.
Talagang kahanga-hanga ang pag-unlad ng bansang Korea na dati ay nahuhuli sa Pilipinas sa bilis ng pag-unlad pang-ekonomiya. Halimbawa, alam ba ninyo na noong taong 1970 lamang nagpantay ang sukat ng Gross Domestic Product per capita (GDP per capita) ng Pilipinas at Korea?
Ang GDP ang sukat ng lahat ng yamang likha sa loob ng teritoryong nasasakupan ng isang bansa—lahat ng produkto at serbisyo, kabilang ang sa mga korporasyong dayuhan na namumuhunan sa lokal na ekonomiya. Mas gusto itong panukat ng mga ekonomista kumpara sa Gross National Product (GNP).
Bago ang 1970, laging mas mataas ang GDP per capita ng Pilipinas kaysa sa Korea. Noong 2019, nasa 32,362 USD and GDP per capita ng Korea habang ang sa Pilipinas ay 3,102 USD GDP per capita lamang. Bakit ganyan kaangat ang Korea kumpara sa atin? Bakit napag-iwanan yata tayo?
Isang kapansin-pansing bagay sa pag-unlad ng isang bansa gaya ng Korea ang kanilang interes at ginawang aktwal na pamumuhunan sa tinatawag na R&D —Research and Development, ang pananaliksik at pag-unlad. Ang R&D ay hinggil sa pag-aaral upang makalikha ng mga bago at mas mainam na mga produkto at serbisyo. Hinggil ito sa paglikha ng makabuluhang kaalaman at teknolohiya.
Noon pa lamang bago ang 1970s, nang tumitingala pa nga ang Korea sa atin sa usapin ng pang-ekonomiyang pag-unlad, nabalita na ang isang binisita ng mga Koreanong mananaliksik sa ating bansa ay ang mga pagawaan ng mga jeep. Sinasabing tila nainggit pa nga noon ang mga Koreano kahit wala pa tayong tunay o buong-buong industriya sa paggawa ng mga kotse.
Noon, pinangarap pa lamang ng mga Koreano ang makalikha ng sarili nilang industriya sa transportasyon. Tayo naman ay may Sarao jeep assembly na. Ngayon, may Hyundai na sila. Samantala, halos namatay na ang Sarao.
Ano nga ba ang mga aral na matututunan dito? Isang magandang mensahe nito ang pagpapahalaga at pamumuhunan sa siyensiya at teknolohiya sa tatlong aspeto. Una, kailangan nating maghubog ng mga mahuhusay na scientist at technologist at pangalagaan sila upang manatili sa bansa sa kanilang pagtatapos mula sa pagkapantas at nang magsilbi sa bayan. Ikalawa, kailangan nating sapat na pondohan ang Departamento ng Agham at Teknolohiya o DOST, lalo na sa usapin ng R&D. Ikatlo, kailangan nating masinop na ilinya ang mga proyektong pang-agham, hanggang maari, sa mga pangangailangan ng pamayanan—ng ekonomiya at pamamahala.
Sa harap ng mga hindi magandang kaganapan sa ngayon, kabilang na ang isyu ng novel coronavirus at ang bantang malakas na pagputok ng bulkang Taal, malamang naman ay nakikita na ng mas marami ang kahalagahan ng siyensiya; halimbawa na lamang, ang serbisyo ng isang ahensiyang pang-agham gaya ng PHIVOLCS at Department of Health.
Kung kaya naman, kailangan nating maging isang tila South Korea na namumuhunan ng 4.3 porsyento ng GDP nito sa R&D at hindi 0.1 porsyento lamang gaya ng Pilipinas sa ngayon.
Matuto na tayo.