NI EUGENE B FLORES
ISANG hindi inaasahang pangyayari ang gumimbal sa Pilipinas matapos magbuga ng usok o volcanic ash ang Taal Volcano sa Batangas.
Sa biglaang pagsabog ay libo-libong pamilya at kabuhayan ang naapektuhan ng natural na phenomena na ito. Ngunit tulad ng kasabihang may bahaghari pagkatapos ng ulan, nakitaan ng paraan ang mga abong bumalot sa lalawigan at karatig-lugar upang pagkakitaan.
ECO-BRICKS
Nagsimula ang ideya na gawing eco-bricks ang mga abo sa bayan ng Biñan sa Laguna na isa rin sa mga naapektuhan ng ashfalll na umabot hanggang Maynila.
Isang araw matapos ang biglaang pagsabog ng Taal ay naglinis agad ang lokal na pamahalaan ng lungsod upang makadaan nang maayos ang mga sasakyan, gayundin ay naisip ng kanilang alkalde na gawing eco-bricks ang ashfall.
Dahil dito ay sinimulan nila ang eco-brick project upang gawing kabuhayan ang naging epekto ng unos at para muling ibalik ang sigla ng bayan.
Sinabi nila na matapos malinis ang kanilang lugar, tutungo sila sa Batangas upang mangolekta ng ashfall at tumulong sa mga mas naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.
Ginagawa na ng Biñan ang mga bricks at semento simula 2016 gamit na sangkap ang kahit anong uri ng plastic na bumubuo ng 30 porsyento, 25 porsyentong buhangin o abo, lupa, semento at tubig.
Maaaring magdala ng mga abo sa kanilang Material Recovery Facility (MRF) na matatagpuan sa Brgy. Timbao upang gawing bricks.
Malaking tulong ang ganitong proyekto para sa mga nasalanta upang magkaroon ng mapagkukuhaan ng mga materyales sa kanilang pagbangon.
Dahil patuloy na bumubuhos ang tulong at donasyon para sa mga nasalanta ay malaking ambag din dito ang pag-aalis ng mga abo na nagpalubog sa mga tahanan at hanapbuhay ng mga apektado.
Ang mga bricks na magagawa ay maari ring ibalik sa mga nasalanta bilang tulong o para maibenta sa murang halaga. Ang ganitong mga hakbang ay nakatutulong pati sa pagsagip sa ating kalikasan na patuloy na dumaranas ng hirap dahil sa iba’t-ibang aktibidad ng mga tao.