Ni EYESHA ENDAR
MATAPOS ang hiwalayang Nadine Lustre at James Reid, ano na nga ba ang mangyayari sa pinakamamahal ng maraming tambalan na JaDine? Sanay ang maraming fans na makitang magkatambal ang dalawang Kapamilya stars sa halos lahat ng bagay – mula teleserye, pelikula, maging sa mga performances sa TV. Ngayon, tila magkakaroon na sila ng kanya-kanyang kapareha.
Bagong kapareha ni James
Gumawa ng ingay noong isang taon ang proyektong pagsasamahan ni James at Momoland member na si Nancy McDonie na may titulong “The Soulmate Project.” Binansagan ang dalawa bilang JaNcy
Isa ang naturang palabas sa mga bagong offer ng ABS-CBN ngayong taon. Sa bagong trailer na nilabas noong nakaraan, pinakita ang story conference ng bagong serye, na kinukumpirma ang pagpapatuloy nito.
Hatid ng pagsasanib pwersa ng ABS-CBN at iWant ang “The Soulmate Project,” sa ilalim ng direksyon ni Antoinette Jadaone na produced naman ng Dreamscape Entertainment. Ngunit, kumpara sa nakasanayang teleserye sa bansa, ito ay mini-series na meron lamang 13 episodes.
“Hindi siya teleserye. It’s a series because it’s 13 episodes. It’s not like how we do teleseryes na you do it per script every day, with a weekly script,” paliwanag ni Jadaone. “It’s more my kind of process. I write the whole series na tapos na, unlike in teleseryes na hindi mo alam kung kailan siya matatapos.”
Tapos nang i-shoot ang “The Soulmate Project” at hininhintay na lamang kung kailan ito ipapalabas. Gayunpaman, hindi pa nilalahad kung sa ABS-CBN o iWant ipapalabas ito.
Nadine may Asian star din na kapareha
May pantapat naman si Nadine sa Korean star na kapareha ni James, ang Thai hunk na si Denkhun Ngamnet. Magkakapareha si Nadine at Denkhun sa bagong teleseryeng “Burado.”
Isa sa pinakagwapo at sexy na celebrities ng Thailand si Denkhun. Isa itong sikat na model, aktor at singer sa kanyang bansa.
Nagkasama naman ang dalawa sa nakaraang Asian Academy Creative Awards, kung saan nanalo si Nadine ng Best Actress in a Leading Role para sa pelikulang “Ulan.” Nanalo rin dito si Denkhun ng Best Actor in a Leading Role para sa pelikulang “Repercussion.”
Bukod kay Denkhun, makakasama rin ni Nadine si Julia Montes, Paulo Avelino at Zanjoe Marudo sa “Burado.” Batay sa mga bagong teaser photos na nilabas ng ABS-CBN, action-packed ang naturang palabas.
Nand’yang nakahubad at nagpapakita ng abs si Denkhun habang nakasuot ng shorts sa isang boxing ring. Tila patalon naman ang mga larawan nina Paulo at Zanjoe. Habang astig na nakamotor at hinahangin ang buhok ni Nadine at nakauniporme naman ang nagbabalik telebisyon na si Julia.
Si Emmanuel Palo ng “The General’s Daughter at Darnel Villaflor ng “Kadenang Ginto” ang magiging mga direktor nito, habang ang production ay magaganap di lamang dito sa bansa kundi pati sa Thailand, Cambodia at India.
Makakasama rin nila sina Carmi Martin, Angel Aquino, Joko Diaz, Ina Raymundo, Lotlot de Leon, Matet de Leon, Raymond Bagatsing, Mccoy de Leon, Javi Benitez at Kokoy de Santos.
Hindi pa rin ina-announce ng ABS-CBN kung kailan ilalabas ang “Burado” sa telebisyon.
Samantala, sa kabila ng hiwalayan, tila nananatiling magkaibigan si Nadine at James. Sa katunayan, ilang beses nakita ang dalawa na magkasama kasama ang kanilang mga kaibigan. Matapos silang makita sa isang bar, naglabasan din ang mga larawang magkasam sila para sa isang “pasta night. Kasama rin dito ang kanilang asong si Cal.