Louie C. Montemar
HANGGANG hindi malinaw kung saan natin nais dalhin ang ating ekonomiya — kung anong mga sektor at industriya ang ating unang bubuhayin o tunay na bibigyang-diin at kung bakit — paano natin tunay na maililinaw para sa ating sistemang pang-edukasyon kung anong klaseng mga magsisipagtapos (at kung ilan) ang ating kinakailangang hubugin at mapatapos?
May dalawang dekada na nang una kong marinig ang katagang “manufacturing workers for the world.” Wika ng isang maikling sanaysay sa pag-unlad na nilimbag ng Education Forum (EF) noon pang 1990s, tila lumilikha lamang ang ating mga paaralan ng mga manggagawa para sa pangangailangan ng ibang bansa at hindi para sa ating pangmatagalang pag-unlad.
Ayon sa EF, kung susuriin, wala naman talagang “job mismatch.” Ito iyong katagang pinapangalan sa pagkakaroon daw natin ng napakaraming nagsipagtapos—college graduate pa nga ang iba—na wala namang makuhang trabaho sa ating bansa. Mas tumindi pa raw ito ngayong maraming trabaho na naghihintay, subalit wala namang babagay na mga nagsipagtapos para sa mga nasabing hanapbuhay.
Job mismatch daw, para iba. Para naman sa EF at ibang manunuri, kung tutuusin, hindi raw ito job mismatch. Bakit? Kapag tinignan daw ito sa konteksto ng promosyon ng pangingibang bayan o OFW work ng pamahalaan natin mismo, lilinaw ang tila wala sa ayos na pagkiling ng ating mga naging pambansang pamumuno sa mga pangangailangan ng global na ekonomiya, kahit pa laban sa mismong interes ng ating mga kababayan.
Sino ba naman kasi ang tunay na may nais mangibang bayan pa at iwanan ang kanilang pamilya? Sinong propesyunal ba ang nais na sa ibang bansa pa maghanapbuhay upang matiyak lamang na nagagamit nila ang kanilang pinag-aralan?
At sa malas, hindi lahat sa kanila nagagamit ang kanilang pinag-aralan kahit higit na mas mataas ang kanilang sinasahod. Nandiyan ang inhinyero na tumatanggap ng trabaho bilang construction supervisor, ang doktor na kumuha ng nursing upang makapasok sa ospital sa Amerika o sa ibang bansa sa kanluran; ang inhinyero na nag ooperate ng forklift sa isang giant supermarket sa ibang bansa, at maraming pang nakalulungkot na halimbawa. Huwag na natin isalaysay pa ang di mabilang na guro na nagtatrabaho bilang domestic worker sa Hong Kong, Singapore at iba pang maalwang kapitbahay natin sa Asya.
Ito ang tunay na nangyayari. Napakaganda nga ng literacy rate ng ating bansa. Isa sa pinakamataas sa mundo. Marunong magbasa at magsulat ang Filipino. Sapat ang ating literasiya upang maunawaan ang utos ng isang amo, subalit hindi sapat upang maging entrepreneur na nagtutulak ng inobasyon. Ayos lamang na walang sapat na trabaho sa bansa dahil maitutulak nito ang mas marami na lumikas at maghanapbuhay sa labas. Kapalit nito ang limpak-limpak na dolyar para ma-sustain ang lokal na ekonomiya.
Halimbawa, ayon nga sa isang pag-aaral na aking ginagawa sa ngayon kasama ang ilang pang researchers sa kaso ng isang isla sa Visayas (hindi ko na tutukuyin kung ano) kung saan walang State College at University (SCU) ngunit may tatlong pribadong pamantasan, labis-labis ang nagtapos sa criminology, nursing, at maritime studies sa naturang isla subalit wala naman silang makuhang lokal na hanapbuhay na akma sa kanilang pinag-aralang kurso. Criminology ang isa sa tatlong pinakasikat na kurso sa nasabing isla subalit napakababa ng tala ng mga krimen sa nasabing isla. Isa pa sa tatlong pinakasikat ang Nursing subalit wala halos ospital at medical clinics sa lugar. Edukasyon ang ikatlong sikat na kurso, pero puno na ang mga pwesto sa lokal na public schools.
Ang kinababagsakan ng mga nakapag-aral? Ang maging mga “propesyunal na tambay” wika nga ng isang nakapanayam namin sa nasabing pag-aaral. O maging “workers (o maids) for the world.”
Ano ang dapat gawin? Unti-unting magpasulpot ng mga hanapbuhay na akma sa kasanayan ng ating mga mamamayan o pangangailangan ng ating bansa. Linawin ang oryentasyon ng ating ekonomiya. Itigil na natin ang pangangarap na mas mainam ang lumabas ng bansa dahil ang totoo, para sa marami, ang naturang pangarap ay nagiging isang bangungot. Gising, bangon, “workers of/for the world”!