Ang pagmamahal ng ating lolo at lola ay walang katumbas.
Ni: CHAMPAIGNE LOPEZ
NOONG tayo ay bata pa, talaga namang masaya ang lumaki na may lolo at lola na siyang tumatayo bilang pangalawa nating mga magulang sa loob ng tahanan.
Makinig sa kanilang payo. Labis ang pagmamahal nila sa kanilang mga apo kaya naman lagi silang may pinapayo sa atin upang hindi tayo mapahamak. Ang mga payo ng ating mga lolo at lola ay dapat nating pahalagahan dahil bukod sa mas nakakatanda sila sa atin ay mas marami rin silang karanasan sa buhay. Huwag natin itong ipasawalang bahala. Dahil ang nais lang naman nila ay mapabuti tayo, wala rin namang mawawala kung tayo ay makikinig at susunod sa kanila.
Bigyan sila ng oras at panahon. Marami sa atin ang busy sa trabaho, pag-aaral o kung ano pa ngunit ang paglalaan ng kahit kaunting oras para sa ating mga lolo at lola ay malaking bagay na para sa kanila. Kaunting kuwentuhan at bonding lamang ay ikasisiya na nila. Ayon sa mga mananaliksik, karaniwan sa mga matatanda ay nagiging matampuhin, malungkutin at maramdamin dahil sa pag-iisa o walang kausap. Kaya naman bigyan natin sila ng panahon dahil ang mga alaala natin sa ating mga lolo at lola ay dadalhin natin hanggang sa tayo ay tumanda na rin.