Ni Jonnalyn Cortez
KASABAY ng pag-unlad ng Pilipinas ay ang pagbabago ng mga bakasyunan dito. Bukod sa mala-paraisong isla ng Boracay, nandiyan din ang Palawan, na puring-puri ng marami, kahit pa nga ng mga banyaga, dahil sa taglay nitong ganda.
Ngunit, dahil na rin sa lumalalang climate change, mas gusto ng maraming bakasyunista ngayon na puntahan ang mga sustainable na lugar. Kaugnay nito, pinagmamalaki ng Palawan ang pinakabongga ngunit pinaka-sustainable rin na resort sa buong Pilipinas, ang Pangalusian Island.
Itinuturing na the “country’s premiere eco luxury resort” ang Pangalusian Island.
Nagkalat ang mga unggoy at water monitor lizards dito. Hindi naman ito dapat ikabahala ng mga panauhin dahil pina-practice ng resort kung paano maging environment-friendly nang hindi sinisira ang taglay nitong natural na ganda, kabilang na ang mga hayop na naninirahan dito.
Bago pa man sila magsara para sa renovation noong nakaraang taon, kilala na ang Pangalusian bilang modelo ng sustainability. Nakakuha na ito ng ilang mga parangal, kasama ito sa listahan ng Top 50 Resorts in the World ng Conde Nast Traveler at Pacific Asia Travel Association’s Best Branded Accommodation.
Kahit pa nga hindi pa uso ang pagiging sustainable nang magbukas ito pitong taon na ang nakakaraan, gumamit na ang mga nagplano nito at mga builder nito ng sustainable construction methodologies. Gawa ang mga wall panels nito sa mineral components, tubig at 30 porsyento ng rice hull. Ang nakaraang renovation ay para lamang i-upgrade ang pagiging sustainable ng lugar.
“We kept the hardware, and changed the software,” paliwanag ni Joey Bernardino, marketing director ng Ten Knots Development Corporation, na owner at developer ng El Nido Resorts.
Bukod sa mas pinagarbong cogon roof ng villas at marami pang ibang cosmetic refurbishments, nilawakan pa ang BE GREEN tenets ng lugar. Upang mas makatipid sa tubig, gumagamit na ang resort ng dual flush toilets para sa common areas. May mga bagong kagamitan din upang mas maging epektibo ang kanilang recycling programs at mga energy efficient na generators.
Inverter na rin ang lahat ng ginagamit na aircon sa Pangalusian, habang LED na ang lahat ng ilaw. Upgraded na rin ang sewage treatment facility plant dito.
Plano na ring ipagbawal ng management ang pagbebenta ng sunscreen sa mga boutique sa resort dahil na rin sa epekto nito sa corals at marine life. Nag co-compost din ang buong grupo ng El Nido Resort upang gamitin ang mga biodegradable materials bilang fertilizers. Sa katunayan, lahat ng mga sangkap at produce sa isla ay gawang lokal mula sa bukirin na eksklusibo para lamang sa El Nido Resorts.