KUMAKALAT sa buong mundo nang mabilis at matinding makahawa — ito ang katangian ng tunay na pandemic.
Kung gayon, isa na nga bang pandemic ang novel corona virus (nCov-19) o ang ngayong opisyal na tinaguriang corona virus disease 19 o COVID-19?
Ngunit ayon sa World Health Organization (WHO) hindi pa ito isang pandemic.
Una, hindi pa ito kumakalat sa karamihan ng mga bansa. Oo, milyun-milyon na ang naapektuhan at libo na ang namamatay sa COVID-19 subalit kontrolado ang mabilis na paglaganap nito. Kumpirmadong may kaso na nito sa 46 na bansa subalit sa tatlo lamang dito ang may naganap na malawakang pagkahawa. Karamihan sa mga ito ang may halos tig-iisa hanggang tatlong kaso pa lamang ng impeksiyon.
Sa labas ng Tsina, sa South Korea, Italy, Iran, at Singapore natatalang lumobo ang pagkahawa sa COVID-19. Subalit dahil sa mabilis na pagkilos at mahigpit na pagdesisyon ng mga pamahalaan doon, napigilan o napapabagal ang paglaganap ng COVID-19.
Upang maituring na isang tunay na pandemic, kailangan itong lumaganap pa ng higit sa buong mundo at maging mas nakahahawa pa kesa sa nadokumento na. Sino ba naman ang nais pang mangyari ito? Oo, may potensiyal itong maging pandemic kaya dapat paghandaan ito. Patuloy ang mga otoridad sa pagpapaliwanag tungkol dito at paano ito maiiwasan habang naghahanap ang mga pantas ng isang gamot o vaccine para dito.
Sa ngayon ang nakakabahala ay ang mala-pandemic na paglaganap ng fake news hinggil sa COVID-19. Nagkalat sa Internet ngayon ang kung anu-anong balita at huwad na kaalaman tungkol dito. Kaya nanganganib ang mga mahina ang kalusugan at may potensiyal na lalong mapasama ang kalagayan. Nauunahan din ng takot ang mga mamamayan dahil sa mga maling haka-haka at mga iresponsableng pagbabalita.
Dahil sa kumakalat na maling akala at balita, kailangan pang linawin ng WHO ang maraming bagay hinggil sa COVID-19. (Basahin ang artikulo ng WHO sa https://www.who.int/news-room/q-a-detail/q-a-coronaviruses para sa karagdagang impormasyon).
Halimbawa, hindi totoo na ang pagkain ng maraming bawang o pag-inom ng tubig na pinaglagaan nito ay makagagamot sa naipeksiyon ng COVID-19. May magandang naidudulot sa katawan ang bawang subalit walang pag-aaral na nagpapakitang nakakatulong ito sa kaso ng COVID-19.
Nililinaw rin na hindi totoo na ang mga antibiotic ay nakakapigil na maimpeksiyon sa COVID-19. Marami ang mga nagse-self medicate gamit ang mga antibiotic. Delikado ito. Ang antibiotic ay panlaban sa bacteria. Ang COVID-19 ay dala ng isang uri ng corona virus, hindi bacteria. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa.
Ikatlo, may mga nag-aakalang hindi ligtas na makatanggap ng mga sulat at iba pang padala mula sa China. Mali ito. Ayon sa mga pag-aaral, hindi tumatagal ang corona virus sa mga bagay-bagay gaya ng mga sulat at mga package.
Ang maling kaalaman na mabilis kumakalat lalo na sa social media ang pandemic ngayon. Huwag basta maniwala sa mga nababasa lamang. Makinig at magbasa ng mga opisyal na pahayag mula sa mga otoridad.
Sa bandang huli, ang pinakamainam pa ring paghahanda laban sa COVID-19 ang kalinisan at wastong pangangalaga sa ating katawan. Ugaliin ang tama at madalas na paghugas ng mga kamay.
Magtakip ng ilong at bibig kapag inuubo at bumabahing. Gawin din ito kapag mayroong inuubo sa paligid. Kung maayos naman ang kalusugan, hindi kinakailangan ang pagsuot ng mask bagkus magdala lamang lagi ng panyo bilang proteksiyon.