NAPAKARAMING hamon sa ating pag-unlad bilang bansa. Sa usapin ng ekonomiya, malayo pa ang dapat marating ng ating kabuhayan. Ayon mismo sa Asian Development Bank (ADB), may 21.6 porsyento ng populasyon ng bansa ang nananatili sa kahirapan.
Sa kabila nito, matapos ang ilang dekada ng regional cooperation, may hindi maitatangging pagbabago sa ating bansa na tanda ng pag-angat—isa na tayo sa mga bansang magbibigay ng pondo para sa pangangailangan ng iba pang bansa sa pamamagitan ng ating magiging kontribusyon sa Asian Development Fund ng ADB.
Noong 1966, itinatag ang ADB ng may kasaping 31 na bansa upang itaguyod ang panlipunan at pang-ekonomiyang kaunlaran. Hinubog ito kawangis ng World Bank at partikular upang makatulong sa mga bansa sa Asia-Pacific Region.
Sinimulan nitong likumin noong 1974 ang tinatawag niyang Asian Development Fund (ADF). Nagbibigay ang ADF ng pondo para sa mga kasaping bansa ng ADB na may mas mababang kita. Noong una, nagpapautang ito nang magaan ayon sa kakayanan ng bansang umuutang na makapagbayad. Ang mga aktibidad na suportado ng ADF ay nagtataguyod ng paglaban sa kahirapan at pagpapabuti sa kalidad ng buhay sa mga bansa sa rehiyong Asya at Pasipiko.
Noong 2005, nagsimulang magbigay ng mga grant ang ADB at hindi lamang pautang. Ibig sabihin, naggagawad ito ng pondong hindi kailangang bayaran ng ginawarang bansa subalit may mga kondisyon na lamang na kailangang pagtuunan ang tinutulungang bansa upang mapabuti ang lagay nito. Sa pagpasok ng 2017, tumutok nang husto ang ADB sa paggawad ng mga grant.
Ang mga ito ay nagmumula sa mga kontribusyon ng mga kasaping bansa ng ADB. Sa ngayon, may 66 na bansa sa ADB at 34 dito ang nakapagbahagi na sa pondo nito. Kabilang sa mga bansang ito ang Australia, Austria, Belgium, Brunei Darussalam, Canada, People’s Republic of China, Denmark, Finland, France, Germany, Hong Kong, China, India, Indonesia, Ireland, Italy, Japan, Kazakhstan, Republic of Korea, Luxembourg, Malaysia, Nauru, Netherlands, New Zealand, Norway, Portugal, Singapore, Spain, Sweden, Switzerland, Taipei, China, Thailand, Turkey, United Kingdom, at Estados Unidos.
Ngayong darating na Mayo, ayon sa ulat ng mga nangangasiwa sa ating ekonomiya, mapapabilang na ang Pilipinas sa listahang ito sapagkat may kakayanan na raw tayo bilang isang “upper middle income” na bansa upang magbigay ng kontribusyon sa ADF.
Sa loob ng mahigit na limampung dekada, kaagapay natin ang iba pang mga bansa sa ADB upang itaguyod ang kagalingan at kasaganaan ng buhay sa ating rehiyon. Mula nang itayo ang ADB, ang Pilipinas ay tagatanggap lamang ng mga pautang at grant mula sa ADB kahit pa nga nakabase sa loob ng bansa ang mismong headquarters nito. Ngayong taon, makakapag-ambag na raw tayo ng higit pa upang patuloy na maging bahagi ng ADB.
Kung tutuusin, malinaw na may naging pag-angat na talaga sa ating ekonomiya nitong huling dekada. Hindi man damang-dama pa ng marami, hindi maitatangging nagkakaroon ng pagbabago sa ating bansa. Isa itong senyales na dapat magbigay pag-asa sa ating lahat—na nasa tamang direksiyon tayo, at patuloy lamang tayong aangat.