Louie C. Montemar
TATLONG milyon limang daang libo. Ganyan karami ang mga mag-aaral na nakaenrol ngayon sa mga kolehiyo o higher education institutions (HEIs) sa buong bansa. Ang pinagsama-samang bilang na ito ng mga mag-aaral na may average na edad na 16-24 taon, ay mas malaki pa sa bilang ng mga taga probinsiya ng Laguna sa Luzon—ang probinsiyang may ikatlong pinakamaraming mamamayan.
Isipin na lamang na halos kalahati pa nga ng bilang na ito ang nasa programa ng National Service Training Program (NSTP), may napakalaking bilang tayo ng mga katuwang para sa pambansang pag-unlad.
Ngayon higit kailanman, masasabi ngang ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Kailangan natin ang higit pang “human resource capital” at ang kabataan ang ating tinatawag na “demographic dividend.”
Ang dibidendong demograpiko, ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), ay pumapatungkol sa “potensyal na paglago ng ekonomiya na maaaring magresulta mula sa mga pagbabago sa istruktura ng edad ng isang populasyon, lalo na kung ang bahagi ng populasyong nasa nagtatrabahong-edad (15 hanggang 64 taon gulang) ay mas malaki kaysa sa hindi bata o nakatatandang bahagi ng populasyon (14 at mas bata, at 65 pataas).”
Sa ibang salita, dahil nasa kabataan ang marami sa ating mga mamamayan, may pagkakataong mas lumago pa ang kabuhayan sa ating mga komunidad kung maayos nating mapag-aaral, masasanay, at magagawang malusog ang mga batang Filipino.
Higit sa lahat, patuloy na lumolobo ang populasyon ng Pilipinas. Tayo ngayon ang ika-13 sa pinakamataong bansa sa buong mundo at dumadami pa tayo sa tantos na halos 1.70 porsyento mula 2010. Ngayong 2020, nasa mga 109 million na tayo ayon sa pagtatantiya ng UN.
Saan natin dadalhin ang 10.5 million kabataang (16-24 taong gulang)? Saan natin ididirekta ang kanilang mga buhay at paano natin mahahamig at madadagdagan pa ang kanilang talino at husay? Anong kabuhayan o mga trabaho ang kanilang maaaring pasukan lalo na kapag matapos ang kanilang pag-aaral? Ito ang hamon at oportunidad sa ating pagkakaroon ng isang malaking dibidendong demograpiko.
Sa aming mga guro sa kolehiyo, isang magandang pag-isipan ay kung paano madidisenyo o marereporma ang National Training Program (NSTP) at Civic Welfare Training Service (CWTS) upang ang ating mga kabataang mag-aaral ay tunay na makatulong at makapagserbisyo ng makabuluhan sa kani-kanilang mga pamayanan.
Sa mga nasa barangay at lokal na pamayanan, sana ay matutukan ang ating mga out-of-school-youth (OSY) at lalo na ang mga OSY na kababaihan na madalas na nagiging batang-ina dahil na rin sa kakulangan ng maayos na pag-asikaso at suporta ng kanilang mga pamilya at pamayanan. Milyun-milyon din ang ating mga OSY. Kailangan nila ng natatanging suporta mula sa pamahalaan upang mas matiyak na magiging makabuluhan ang kanilang kabataan.
Tatlong milyon limandaang libo. Isipin na lamang natin kung ano ang kayang gawin ng ganito karaming malakas at maliliksing mga nilalang.