Ni: Jonnalyn Cortez
MATINDI ang epekto ng kumakalat na COVID-19 sa Pilipinas at sa buong mundo. May 40 bansa na ang naka lockdown at marami pang iba ang nangangambang marating ang threshold ng pandemic.
Ayon sa pinakahuling ulat, 531,000 na ang nag test ng positive sa COVID-19.
Sanhi nito lubhang naapektuhan na ang ekonomiya ng mga bansang apektado.
Kumpara sa ilang epidemya na sanhi ng coronavirus, ano ang kaibahan ng pandemic na COVID-19 sa mga naunang viral diseases gaya ng SARS at MERS.
Ayon sa artikulong sinulat ng general practitioner na si Dr. William Bird MBE sa pahayagan na Express, sa loob ng 30 taon niya bilang doktor, hindi niya inakalang makikita niyang magkaroon ng pandemic na katulad ng COVID-19.
Mga naunang sakit sanhi ng coronavirus
Sa mga sakit na sanhi ng coronavirus, ang SARS o severe acute respiratory syndrome ay na-identify noong 2003 sa Asia. Nakakamatay ang sakit ito na kumalat sa 24 na bansa bago mapigilan ang pagiging pandemic nito noong 2004.
Sumunod sa SARS ang MERS o Middle East respiratory syndrome na nagmula sa Saudi Arabia noong 2012 at kumalat sa 27 na bansa bago nasawata.
Lubhang napakabilis ng pagkalat ng COVID-19 na unang na-detect sa Wuhan, China noong mga huling buwan ng 2019. Mahigit 40 bansa na ang apektado nito kaya ito ay idineklara ng pandemic ng World Health Organization.
Paglilinaw ni Bird, ibang-iba ang COVID-19 kumpara sa mga naunang epidemya ng coronavirus.
Kung sasabihin ang flu pandemic, unang papasok sa isip ng marami ang 1918 influenza. Itinuturing itong pinakamalalang pandemic sa kasaysayan, ayon sa U.S. Center for Disease Control and Prevention. Mabilis itong kumalat sa buong mundo mula noong 1918 hanggang 1919 at tinamaan ang halos one-third ng populasyon ng daigdig.
Sa naitalang health records, kumitil ng buhay ng halos 50 milyong tao ang sakit na tinawag ding Spanish flu. Mga 675,000 na kaso nito ay nagmula sa U.S. Tulad ng coronavirus, quarantine, pagiging malinis sa katawan, isolation, at pag-iwas sa matataong lugar ang mga pangunahing paraan ng pag-iwas sa virus na ito.
Sumunod naman dito ang Asian flu. Nagsimula ang outbreak noong 1956 sa China na kumalat hanggang sa U.S. at nagtagal ng hanggang 1958. Ang dalawang taong pananalasa nito ay nagresulta sa pagkamatay ng dalawang milyong tao, ayon sa World Health Organization. Napuksa ang sakit nang makatuklas ng bakuna at antibiotic laban dito.
Nagsimula naman ang swine flu o H1N1 noong 2009. Una itong natuklasan sa U.S. hanggang kumalat na sa buong mundo. May dala itong naiibang kombinasyon ng uri ng influenza na hindi pa na-a-identify sa hayop at tao, ayon naman sa ulat ng CDC.
Kumpara sa coronavirus na mga matatanda ang madaling tinatamaan, target ng H1N1 ang mga bata. Mula 2009 hanggang 2010, 60.8 milyon ang natalang kaso ng swine flu habang 12,469 naman ang namatay.
Pag-iwas sa pandemic
Nabigo ang maraming bansa na i-contain ang coronavirus na itinuturing na ngayong pandemic. Nasa kamay na ngayon ng bawat gobyerno kung paano iiwasan ng kanilang nasasakupan ang banta ng COVID-19 at maililigtas ang mga taong meron nito.
Sinasabing aabot ng isang taon bago makagawa ng bakuna laban sa coronavirus. Samakatuwid, malaki ang posibilidad na maraming tao pa ang tatamaan nito.
Sa isang pag-aaral na ginawa ng New England Journal of Medicine, napag-alamang limang porsyento ng mga pasyente sa China ay na-admit sa intensive care unit o ICU, 2.3 porsyento naman ang nangailangan ng mechanical ventilation at 1.4 porsyento ang namatay.
Sa kabila ng malaking bilang ng kaso ng coronavirus sa China, nanatiling kalmado at masunurin ang mga pasyento rito. Sa katunayan, gusto nilang gawin kung anong tama upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, tulad ng posibleng pagkakahawa ng kanilang pamilya at iba pang tao sa lipunan.
Sa ngayon, maraming bansa ang nagpasara na ng mga eskwelahan, nag-ban ng mga flights at nagsara ng mga borders upang maiwasan na ang pagkalat ng sakit. Patuloy naman ang pag-aaral kung paano mapupuksa ito.