Ni Jonnalyn Cortez
KARANIWAN nang tinatanong ng mga babae sa kanilang mga asawa o kapareha ang “How do I look? matapos mag-ayos, magbihis, at magpaganda. At kapag hindi nasagot ang tanong na ito, parang mistulang umpisa ng isang world war o nag-alis ng safety pin ng granadang pwedeng sumabog anumang oras.
Napakadaling-sabihing “napakaganda mo, mahal,” kahit hindi totoo at bigla na lang mag-ayang umalis para matapos ang usapan.
Pwede mo rin namang hindi sagutin ang tanong at umiwas, ngunit siguradong naghihintay ang mga babae ng sagot.
Pwede kang sumagot sa pamamagitan ng body language, mag-sign language o mag-suggest ng ilang tweak sa kanilang hitsura. Ngunit, hindi ba mas madali kung magsasabi ka na lang ng totoo?
Kapag hindi ka nagsabi ng totoo tungkol sa tunay na itsura ng iyong asawa o kapareha, para mo na rin siyang niloko. Maaaring masaktan mo ang kanyang damdamin sa pagsasabi ng totoo, pero maaaring mas masaktan pa siya kung iba ang magsasabi sa kaniya nito. Lahat naman tayo ay naghahanap ng totoong sagot sa ating mga tanong.
Kaya, kung may makita kang mali o hindi maganda sa suot ng iyong kapareha, dapat lamang na sabihin mo ito. Ayon sa The Independent, ang mga katagang, “Darling, you look amazing,” ay pawang katotohanan. Ang kahulugan ng salitang amazing, ayon sa Oxford Dictionary, ay nagdudulot ng pagkasurpresa o pagtataka.
Kaya pag may nagtanong sayo ng “How do I look?” maaaring ang tamang sagot dito ay, ano bang gusto mong maging itsura o ano ang nais mong iparating sa iyong suot?