SA World Health Organization (WHO) nanggaling ang opisyal na pangalan nito—ang Corona Virus Disease (kaya COVID) na lumabas nito lamang 2019. Isang sakit na malakas makahawa subalit mababa naman ang mortality rate. Ibig sabihin, karamihan sa tinatamaan nito ay gumagaling naman lalo na kung likas na malakas ang pangangatawan. Iyon nga lamang, wala pang bakuna at gamot para rito.
Dahil dito inilagay ng Pangulo sa ilalim ng isang state of emergency ang bansa simula itong unang linggo ng Marso. Mas minumonitor na ang paglaganap ng COVID 19 lalo na sa Kamaynilaan. Dahil dito, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na tumutok ng husto sa nasabing usapin at manguna sa kanilang mga lugar sa pagharap sa epidemiya.
Mainam na hakbang ito dahil ayon na rin sa Artikulo 478 ng Local Government Code, ang mga lokal na health officers ang dapat na “manguna sa paghahatid ng mga serbisyo sa kalusugan, lalo na sa panahon at pagkatapos ng mga sakunang gawa ng kalikasan o ng mga sakuna at kalamidad.” Sa kasong ito, kailangan ang mga barangay ay maayos na mapamunuan ng mga naturang city at municipal health officers upang ang mga tinatawag nating barangay health workers (BHWs) ay mapakilos ng tama at husto.
Sa ilalim ng Proklamasyon 922 para sa nabanggit na state of emergency hinggil sa paglaganap ng COVID, ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ay inatasan na magbigay ng tulong at kooperasyon, pati na rin ang pagahahanap ng iba’t ibang paraan upang magsagawa ng “kritikal,” “mahigpit,” at “naaangkop” na “tugon at hakbang na napapanahon.”
Inutusan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng mga barangay upang buuin ang kani-kanilang mga planong pang-emerhensiya upang makatugon sa mga kaso o pinaghihinalaang kaso ng COVID-19. Ang patnubay mula sa naturang departamento ng lokal na pamahalaan ay nagbibigay diin sa mga BHW upang makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) tungkol sa paglilipat ng mga tao sa ilalim ng pagsisiyasat sa mga akreditadong pampublikong ospital o referral center.
Ayon sa isang talumpati ng Pangulo kailan lamang kung nagdagdag siya ng mga tagubilin para sa DILG, “game changer” ang mga barangay sa ating pagharap sa bantang epidemiya. Sa ibang salita, malaking bahagi ng pagkilos ng pamahalaan sa usapin ng lagay pangkalusugan sa bansa ay ang pagganap ng mga lokal na institusyon gaya ng mga barangay.
Ano ngayon ito para sa atin? Kailangan ang ating malalim na kooperasyon sa mga gawaing kaugnay ng emerhensiya. Kung makikiayon tayong lahat, kalahati ng ating mga suliranin ay tiyak na natugunan na.
Oo kailangan ng pondo sa kampanyang ito, subalit kung kapit-bisig tayong haharap sa mga hamong dala ng epidemiyang ito, mas magagawa natin ang nararapat. Isa pa, hindi naman lahat ng bagay makukuha sa pera, gaya ng pagtitiwala ng isang nag-aalalang mamamayan.
Diyan tila mas kailangan ang husay at galing ng ating mga barangay lider ngayon—ang mapakalma ang nakararami tungo sa pinagkaisang pagkilos laban sa COVID-19.