CAMPING, mas magandang karanasan para sa mga nakatatanda. Photo from NPS Gov
Ni Jonnalyn Cortez
NASUBUKAN mo na siguro mag-camping noong ikaw ay bata. Maaaring kasama ang iyong mga kaklase, kasamahan sa simbahan, kaibigan o kapamilya. Siguradong walang masidlan ang saya na naranasan mo ang mga ganitong adventure. Pero kumpara noong ikaw ay bata pa, mas na-e-enjoy nga raw ng mga nakakatanda ang camping.
Kapag nag camping ka ngayong may edad ka na, magiging nostalgic ito para sa iyo dahil maalala mo ang mga ginawa at hindi mo pwedeng gawin noong bata ka pa habang nasa camp.
Dahil nga maaaring ito ay isang aktibidad para sa simbahan, eskwelahan o kasama ang iyong mga magulang, limitado ang iyong galaw at pwedeng gawin. Ngunit kung mag-ca-camping ka ng nasa tamang edad ka na, mas malaya ka upang mag-explore at i-enjoy ang camp site.
Mas makakagiliwan mo rin ang ganitong aktibidad kung nagtatrabaho ka na. Ang bawat araw mo sa camp ay tila kay sarap kung magmumuni-muni ka na kasabay ng paghuni ng mga ibon at pag-ihip ng hangin. Mas masayang gumising sa ilalim ng magandang kalangitan at umapak sa malambot na damuhan kumpara sa apat na sulok at malamig na silid sa loob ng hotel na iyong nakasanayan.
Mas matipid din ito kumpara kung pupunta ka sa mga resorts o mananatili sa mga hotels. Magbabaon ka lamang ng pagkain, gamit pangluto, pagkain, kumot at unan, good to go ka na, hindi pa sasakit ng ulo mo sa gastusin. Syempre pa, kailangang may tent upang mayroon kang tutulugan.
Bukod sa kalayaang dulot ng pag camping, magsisilbi rin itong nostagic trip dahil magbabalik din sa iyong alaala ang mga masasayang araw kasama ang iyong mga kababata.