Ni: QUINCY JOEL V. CAHILIG
ISINAILALIM ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa isang buwan na enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 sa bansa.
Sa ilalim ng ECQ, suspendido ang pasok sa mga opisina ng gobyerno, paaralan, at biyahe ng mga pampublikong sasakyan. Restricted din ang mga domestic at international air and land travel. Ito ay para limitahan ang paglabas at pagkilos ng mga tao upang maipatupad ang social distancing para maiwasan ang hawahan sa nasabing sakit na pumatay sa mahigit 24,100 katao sa buong mundo.
Ang panawagan ng mga opisyal ng pamahalaan sa publiko ay sumunod ang lahat sa enhanced community quarantine at huwag nang lumabas nang bahay. Suportado naman ito ng marami.
Subali’t sa unang mga araw ng pagpapatupad, di naiwasan ang pagkakaroon ng kalituhan sa mamamayan. May mga na-stranded, na-ipit sa trapiko, nahirapan sa pag-commute, at nasira ang mga flight schedule.
At ang mas mabigat, mayroong mga kabuhayan at sector na tinamaan, lalo na ang mga ordinaryong manggagawa at informal sector workers, na nakadepende ang kakainin sa kikitain kada araw. Gusto man nilang sumunod sa utos ng Pangulo, nangangamba naman sila na kung hindi sila makakapaghanap-buhay sa loob ng 30 days, paano nila papakainin ang kanilang sarili at pamilya?
Kabilang sa apektado ng ECQ ang taxi driver na si Reynaldo Alcala. Siya ay hinuli ng Philippine National Police Highway Patrol Group dahil sa pagpasada sa gitna ng ipinapatupad na quarantine. Ngayon, labis siyang nag-aalala kung paano matutustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
“Magugutom kami pag di kami bumiyahe. Wala kaming pera. Wala kaming pambili ng bigas. Mahirap…mahirap maging mahirap. Walang pagkukunan ng pagkain,” mangiyak-ngiyak na sinambit ng tsuper, na nag-viral sa social media.
Samantala, tuloy naman sa pagtitinda sa lansangan ang 70 anyos na si Aling Flora, na pinili pa rin mamalimos sa lansangan sa kabila ng banta ng COVID-19 sa kanyang kalusugan. Aniya, pinipilit niyang makapagtinda para makapag-ambag sa gastusin sa bahay ng pamangkin sa Bulacan, kung saan siya nakikituloy.
Para naman kay Ate Vi Torrejos, pinili pa rin niyang buksan ang kanyang sari-sari store sa Bago Bantay, Quezon City bilang tulong na rin sa mga kabarangay na mahihirapang makapamili sa palengke. Ito ay sa kabila ng pag-discourage ng national government na mag-operate ang mga maliliit na tindahan at karinderya para mapanatili ang social distancing.
Ang paralisadong transportasyon naman ay nagdulot ng matinding kalbaryo sa walong construction workers, na napilitang maglakad mula Maynila hanggang Pangasinan para lamang makauwi.
Ibinahagi ni Jerry Estacio na naabutan sila ng pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila. Dahil suspendido na ang trabaho sa pinapasukan, nagpasya silang umuwi na muna. Subali’t wala nang bus, jeep, taxi, UV Express, at tricycle sa mga sandaling iyon kaya nagpasya sila na maglakad mula Katipunan, Quezon City pauwi sa Manaoag, Pangasinan. Mabuti na lang pagdating nila sa Meycauayan, Bulacan ay may nagmagandang loob na mga pulis at pinasakay sila hanggang Sta. Rosa, Nueva Ecija. At mula doon, itinuloy nila ang paglalakad hanggang Gerona, Tarlac kung saan sila ay sinundo ng kanilang kapitan. Labis man ang pagod sa ilang oras ng lakaran, laking pasasalamat nila at nakauwi sila sa kani-kanyang pamilya na ligtas.
DI PABABAYAAN ANG MGA MANGGAGAWA
Siniguro naman ng Duterte administration na hindi nito pababayaan ang mga manggagawang apektado ng community quarantine. Nanawagan ang Department of Labor and Employment sa mga malalaking kumpanya na magbigay ng ayuda sa mga empleyado upang makatawid sa crisis.
“This is to echo the call of President Rodrigo Duterte for big businesses to give their share in these trying times…we earnestly request the big employers to financially help their employees to tide them over during this public emergency,” pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Kaalinsabay nito ang pagpapatupad ng mga programang magbibigay tulong sa mga apektadong manggagawa sa mga lugar na under quarantine.
“Effective immediately, we are rolling out a P180-million emergency employment program under the Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) for some 18,000 informal sector workers and the P1.3-billion COVID Adjustment Measures Program (CAMP) to benefit about 250,000 workers,” ayon kay Bello.
Sa pamamagitan ng TUPAD ay mabibigyan ng trabaho bilang taga disinfect ng community ang mga displaced informal sector workers, with minimum wage rate. Para matamo ang naturang benepisyo, tumungo lamang sa barangay office para makapagpalista.
Samantala, sa ilalim naman ng CAMP, bibigyan ng financial assistance ang mga empleyado sa private sector.
“A one-time financial employment assistance equivalent to P5,000 shall be provided to affected workers in lump sum, non-conditional, regardless of employment status,” ayon sa DOLE order.