MALAKING dagok sa turismo ng Amerika ang pagsasara ng mga Disney theme parks sa bansa, na epekto ng lumalang coronavirus outbreak, na isa nang pandemic ayon sa World Health Organization.
QUINCY JOEL CAHILIG
PANSAMANTALANG isinara ng Walt Disney Co. ang mga theme parks nito sa California at Florida hanggang sa katapusan ng Marso bunsod ng coronavirus outbreak.
“We are proceeding with the closure of our theme parks at Walt Disney World Resort in Florida and Disneyland Paris Resort, beginning at the close of business on Sunday, March 15, through the end of the month,” pahayag ng Disney.
Naunang ipinahayag ng kumpanya ang pansamantalang pagsasara ng Disneyland at California Adventure theme parks sa California, kung saan mahigpit na ipinapatupad ang “social distancing” para makontrol ang paglaganap ng Covid-19.
Nasa mahigit 200 na ang bilang ng coronavirus cases sa California; apat sa mga ito ang nasawi.
Samantala, patuloy na nakasara ang mga Disney theme parks sa Hong Kong, Shanghai, at Tokyo buhat lumala ang Covid-19 outbreak, na nagsimula sa Wuhan, China. Subalit nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng Walt Disney World at Disneyland Paris.
Dahil sa pagsasara ng ilang theme parks, bumagsak ang stocks ng Disney ng 13 porsyento. Inaasahan na aabot sa mahigit USD174 million ang pagkalugi ng kumpanya kung magpapatuloy ang tigil-operasyon ng mga Disney theme parks.
Itinuturing na malaking dagok sa tourism industry ng United States ang pagsasara ng Disney theme parks sa bansa at pinapakita umano nito kung gaano kalaki ang epekto ng coronavirus pandemic sa pamumuhay ng Americans.
“These parks are iconic brands etched in the culture of America and every childhood. To close assets of this scale around the world would speak to the seldom seen seriousness of this health threat,” wika ni Trip Miller, Disney shareholder at managing partner sa Gullane Capital Partners.