MARGOT GONZALES
PINAYUHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na huwag mag-panic buying sa gitna ng banta ng coronavirus disease o covid-19 sa bansa.
Ayon kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, hindi kailangang mag-hoard ng mga produkto lalo na ang alcohol at tissue paper dahil napakaraming stocks nito at marami rin aniyang mga manufacturer at raw materials.
Payo ng kalihim sa publiko, mamili lamang ng stocks na kailangan sa loob ng isang linggo o pinakamatagal na ang isang buwan.
Sinabi rin ni Sec. Lopez na pinayuhan na nila ang mga supermarket na limitahan ang pag-display ng mga produkto para hindi mag-hoard ang mga mamimili.
Sa ngayon ay nagpapatupad na ang DTI ng price freeze sa mga pangunahing bilihin kasunod ng pagdedeklara ni Pang. Rodrigo Duterte ng state of public health emergency sa bansa.
Sinabi ng DTI na sa loob ng 60 araw ay hindi dapat gagalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin.