EDITORIAL – PROF. LOUIE MONTEMAR
KOOPERASYON ang mas mainam na salitang gamitin sa panahong ito dahil hinaharap natin ang isang suliraning kailangan ang pakikisama ng lahat. Magandang ito ang ipanawagan dahil nakatuon ito sa pagkilos at hindi basta pagkakaisa. Hungkag ang pagkakaisa kung ito ay salita lamang. Kailangan ng pagkilos. Kailangan ng aksiyon.
Sa tindi ng bangayang pampulitika sa ating bayan at masalimuot na politika bago pa man pumutok ang COVID-19 bilang isang pandemic, mahirap din talaga ang basta manawagan na lamang ng “pagkakaisa” lalo na kung ngayon lamang nating lahat naranasan ang ganitong sakit sa tindi ng pagiging nakahahawa.
Ang tanong, pagkakaisa o kooperasyon para saan? Tungo saan? Para kanino? Oo, nangangapa tayong lahat sa usaping ito, kung tutuusin. Iyon nga lamang, lalong tumitindi ang pagkabahala ng publiko kung ang mismong pamahalaan ay hindi malinaw sa nais nilang ikilos ng tao. Hindi sapat na sabihing “Sumunod na lamang kayo.” Kailangan ng talakayan at pagkakasundo sa plano ng pagkilos.
Dito nauugat ang pamumuna ng marami sa nagaganap na community quarantine sa Kamaynilaan. Isang araw matapos magpahayag ang Pangulo, malabo pa talaga ang mga patakarang nilatag, kapos sa detalye at paglilinaw—at sasabihan ka na agad ng “sumunod ka na lang?”
Kung paano haharapin ang ganitong hamong pangkalusugan na mangangahulugan ng buhay o kamatayan para sa marami sa atin ay isang bagay na nararapat lamang na maging malinaw at ilatag ng may transparency para sa lahat, hanggang maaari. Halimbawa, pinag tatalunan at pinag kakaguluhan ngayon ang mga salitang “lockdown” at “quarantine.” Anong ibig sabihin ng pagsunod sa mga bagay na ito?
Ayon sa isang paliwanag na umiikot sa ngayon sa ating mga barangay, “lockdown daw iyong sitwasyon ngayon sa Italya. Hindi pinalalabas ng bahay ang mga mamamayan doon maliban na lamang kung may permit sila. Walang ring pasok sa mga trabaho.
Sa kabilang banda, “quarantine” ang sitwasyon ngayon sa Japan. Nananatili sa mga bahay nila ang mga tao para makaiwas sa sakit ngunit pinapayagan silang makalabas ng walang mga permit. Walang manghuhuli sayo kahit lumabas ka, may mga pagbabawal pa rin dahil nga may krisis. Nagtatrabaho pa rin ang mga tao depende sa patakaran ng kanilang pinapasukan.
Naka-quarantine nga ang Kamaynilaan kaya may mga restrictions o suspensiyon pero hindi naman total lockdown kung saan bawal kang lumabas ng bahay o ng Kalakhang Maynila. Ang mga nagtatrabaho sa Maynila na naninirahan sa labas nito ay makakapasok pa rin kung ang kumpanyang pinapasukan nila ay hindi nagsuspend ng trabaho.
Sa huling paglilimi, gagana lamang ang quarantine, lockdown, o anupamang hakbang patungkol sa pandemic na ito kung may kooperasyon tayo. Hindi kailangan ang pagkakaisa o ang iisa tayo ng pananaw, subalit kailangang may koordinasyon ang ating pagkilos. Kailangan ng kooperasyon.