POL MONTEBON
HINDI pa napapanahon ang pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sa panayam ng SMNI News kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nilinaw nito na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hangga’t di pa nagkakaroon ng dramatic increase ng COVID-19 cases sa bansa, hindi muna ipatutupad ang complete lockdown sa buong Metro Manila.
“Sinagot na iyan ng presidente during the meeting. Sinabi niya na hindi pa napapanahon. Siguro ‘pag nagkaroon na ng dramatic increase ng case ng COVID-19,” pahayag ni Panelo.
Pinapaalala naman ni Panelo sa publiko na maging maingat sa katawan at gawin ang mga precautionary measures para makaiwas sa nasabing virus.
“Ang kailangan talaga ay kooperasyon ng bawat isa. Mag-ingat tayo, maghugas ng kamay palagi, magtakip ng ating mga ilong ‘pag tayo ay may ubo. We can help ourselves,” dagdag ni Panelo.
Samantala, kasunod ng pagkansela ng pasok sa mga paaralan sa Metro Manila, titingnan pa umano ang magiging resulta nito kung nakatutulong nga ba ito para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.