Ni: EUGENE FLORES
MULING ipinalalabas ng NBA ang mga klasikong laro noong mga nagdaang taon upang ihandog sa mga panatiko bilang panakip habang suspendido ang liga dahil sa COVID-19.
Ipinahayag ng NBA ang alternatibong solusyon upang manatiling konektado sa milyon-milyon nitong mananangkilik habang patuloy na ginagawan ng paraan ang sigalot sa liga.
Ilan sa mga ipinalabas ng NBA mula sa kanilang official na page at channel sa social media ay ang NBA Finals Game 6 sa pagitan ng Miami Heat at San Antonio Spurs noong 2016. Tumatak ang labang ito dahil sa game-tying three-pointer ni Ray Allen na nagsalba sa Heat upang makamit ang magkasunod na kampyonato sa loob ng pitong laban.
Ipinaalala rin ang regular season game ng rival Golden State Warriors at Oklahoma City Thunder kung saan nagtala si Warriors Stephen Curry ng 12 three-pointers kabilang ang halos half-court na game-winner sa overtime period.
Ikinatuwa naman ng mga tagasunod ng liga ang naging hakbang na ito na makikita sa pagbuhos ng mga manunuod sa kanilang live stream.
Inaaliw din ng mga manlalaro ang kanilang mga follower sa social media sa paglalabas ng mga maiikling video na nagpapakita ng kanilang paglalaro ng basketball gamit ang basurahan at tissue paper.