Ni: EYESHA ENDAR
MULING nakitang magkasama ang dating magkasintahan na si Nadine Lustre at James Reid matapos ang kanilang maingay na paghihiwalay. Ang dalawang Kapamilya stars ay nakitang magkasamang kumakain sa isang kilalang Korean restaurant sa hindi pinangalanang lugar.
Isang netizen ang nag-post sa Instagram ng larawan ni Nadine at James na kumakain sa labas kasama ang ilang mga kaibigan. Ang naturang larawan ay sinasabing kuha noong Marso 3.
“Spotted at Samgyup Pop Up. Nadine and James. You tell me… I’m confused! Hahaha. All is good,” ang nakasulat na caption sa post.
Agad naman nag-comment ang mga fans ng JaDine nang makita ang larawan. May ilang natuwa na makitang magkasama ang dalawa, habang ang iba naman ay nagtatanong kung paano sila makaka-move on sa isa’t-isa kung lagi silang nagkikita.
Meron din isang nagsabi na pinapanatili nilang buhay ang kanilang pagkakaibigan sa kabila ng kanilang hiwalayan.
Meron namang inakusahan si James ng pagiging affected sa kanilang breakup dahil sa kanyang ragged look. Isang netizen naman ang nagsabing mas gumanda ngayon si Nadine, mukhang glowing at mas carefree.
Ilang fans naman ang natuwa nang malamang lumalabas pa rin si Nadine at James. Gayunpaman, hindi maaiwasan ang ilang gumagawa ng intriga nang sabihin ng isang fan na hindi siguro talaga sila naghiwalay at ang kanilang break-up ay isang stunt lamang para sa kanilang career, lalo na nga’t ipapareha sa iba si James para sa isang teleserye.
Sa isang interview kay Nadine, dati na nitong kinumpirmang nananatili silang magkaibigan ni James. Itinuturing din niya itong security blanket dahil lagi itong nand’yan tuwing kailangan niya.
“I’ve learned so much from him. It’s not just when I’m sad but things in life, in general. I’m always going to be thankful that guy came into my life, no matter what happens,” wika nito sa isang dokumentaryo ng Mega Magazine.
Matatandaang kinumpirma ng dating magkasintahan ang kanilang paghihiwalay noong Enero 20. Sa isang joint statement, inamin nila ang kanilang hiwalayan matapos ang isang taimtim at mature na pag-uusap.
“We decided to focus on ourselves not only for our careers but more for our personal growth as we are still young and we want to achieve as much as we can,” pahayag ng dalawa.
Siniguro naman nila sa kanilang mga fans na nanatili silang magkasundo at patuloy na magtatrabaho magkasama sa darating na panahon, partikular na nga sa paggawa ng musika. Kasalukuyang nakapirma si Nadine sa music label ng kanyang ex na Careless.
Isa ang paggawa ng musika sa mga gustong pagtuunan ng pansin ni Nadine ngayong taon, kabilang na ang kanyang pangarap na maging isang brand bukod sa pagiging artista.
“I’m going on a different path. I don’t want to be just artista Nadine anymore. I want Nadine Lustre to be a brand,” pahayag nito.
“I want to do music, I want to do fashion – it’s a completely different path from what I was doing [before],” dagdag pa niya.
Una nang sinuong ni Nadine and industriya ng pagpapaganda noong 2018 noong inilunsad nito ang kanyang makeup line na Lustrous. Ngayong taon, nais niyang ituon ang kanyang pokus sa musika at negosyo.