Ni: Jonnalyn Cortez
RUMAMPA si Nadine Lustre sa Brazil nang gawin niyang runway ang mga kalye doon para sa isang exclusive photo shoot para sa MEGA Magazine at Vivo Philippines.
Muling pinahanga ng Kapamilya actress ang marami dahil sa kaniyang ganda at alindog na kitang-kita sa bawat larawan.
Bilang endorser ng kilalang cellphone na Vivo, ang sinomang bibili ng bago nitong unit na S1 Pro sa mga opisyal na Vivo stores sa SM North, SM Megamall, SM Fairview, SM Sucat at Market! Market! ay makakakuha rin ng libreng limited-edition magazine na si Lustre ang cover hanggang may stocks nito.
Bukod sa naturang magazine, naglabas din ang MEGA ng dokumentaryo para sa anniversary issue nito na pinangungunahan ni Lustre at dating nobyong si James Reid. Ang video ay ginawa bago nila i-announce ang kanilang hiwalayan noong Enero.
Matatandaang habang kinukunan ang pictorial ng dating magkasintahan sa Brazil, may nagkalat ng ulat ukol sa kanilang paghihiwalayan sa social media.
Kaya naman sa mahigit isang oras na dokumentaryo na mapapanood sa YouTube, inamin ng aktres na wala siyang pakialam sa mga tsismis. Ngunit nang madawit ang pangalan ng kanyang yumaong kapatid at usapin tungkol sa mental health, hindi naiwasan ni Lustre ang mag-react.
Ilan din sa mga tinalakay ni Lustre sa dokumentaryo ay ang hiwalayan nila ni Reid at ang kanilang relasyon bilang magkaibigan at magkatrabaho matapos ang ilang taong pagmamahalan.
Matatandaang inanunsyo ng dating magkatipan ang kanilang hiwalayan sa isang episode ng Tonight with Boy Abunda sa ABS-CBN noong Enero.