Ni: EUGENE FLORES
BAGAMA’T kilalang walang isang salita si Floyd Mayweather Jr., ukol sa kanyang mga pagbabalik sa boxing ring, naiiba ang taong 2020.
Makailang ulit na nag-retiro at bumalik ang undefeated boxer ngunit sa huling pagtatangka nitong bumalik ay may mga hindi kaaya-ayang nangyari.
Inanunsyo ni Mayweather Jr., ang planong pagbabalik ngayong 2020 kaakibat ang potensyal na laban sa UFC superstars Conor McGregor at Khabib Nurmagomedov sa tulong ni UFC president Dana White.
Ngunit bago pa man maikasa ang mega-fight ay naunang tinamaan ang boksingero.
Isang dagok ang kinaharap ni Mayweather Jr., matapos mamatay ang kanyang ex-girlfriend na si Josie Harris. Natagpuan ang biktima matapos makita ng kaniyang anak.
Bagama’t nauwi sa pagkakulong ni Mayweather ang kanilang relasyon, na umabot ng 15 taon, dahil sa pagmamaltrato nito sa asawa, dinamdam pa rin ng boksingero ang trahedya at nag-alay ng simpatya sa social media.
Isang linggo matapos ang unang trahedya, tila isang upper cut naman ang tinanggap nito matapos pumanaw ang kaniyang tiyo na si Roger Mayweather.
Malapit sa isa’t-isa ang dalawa sapagkat naging trainer ni Floyd si Roger Mayweather noong 1990s kung kailan nahasa nang husto at nakilala ang boksingero.
Dahil sa mga pangyayari at dahil na rin sa pandemic na COVID-19, nagpasya umano ang 43-anyos na boksingero na ihinto ang planong pagtapak muli sa boxing ring.