TERRIJANE BUMANLAG
ITINIGIL na ng National Food Authority (NFA) ang pagtitinda sa pondong bigas sa mga pribadong mangangalakal habang umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay NFA-Bulacan Manager Jonathan Yazon, nakareserba na lamang ang mga bigas para masuplayan ang pangangailangan ng mga local government unit (LGUs) at ibang government agencies.
Magbibigay naman ang NFA sa bawat probinsiya, lungsod at munisipyo ng limandaang sako ng bigas sa bawat transaction habang magbibigay naman sa 42,236 na sako ang mga LGU para sa gagawing COVID-19 relief operation.
Nasa isanlibo isandaan at limampung piso hanggang isanlibo dalawandaan at limampung piso ang presyo ng bawat sako ng bigas, mas mura kumpara sa commercial rice.
Maaari namang makabili ang mga barangay para sa kanilang relief operations ngunit kailangan munang kumuha ng endorsement sa kanilang munisipalidad.
Sa ngayon, sinabi ni NFA Regional Director ng Central Luzon na nasa 1.1 milyon sa sako ng bigas ang pondo sa kanilang bodega na maaaring makunsumo sa labing limang araw.