MJ MONDEJAR
HINIMOK ni Cagayan De Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na pansamantalang ihinto ang pag-deploy ng mga Filipino nurse sa ibang bansa habang ang Pilipinas ay nakikipaglaban din sa COVID-19.
Kasunod ito ng isang ulat na hindi bababa sa pitompu’t limang intensive care unit nurses ang lilipad patungong Germany upang tumulong sa pag-aalaga ng mga COVID-19 patients sa naturang bansa.
Ayon kay Rodriguez, mas higit na kailangan ng mga Pilipino at hindi ng mga dayuhan ang serbisyo ng ating mga health care workers lalo’t nasa gitna tayo ng isang public health emergency.
Dagdag pa ng mambabatas, dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 at kakulangan sa health workers na sumasailalim din sa quarantine ay kinailangan pang manawagan ang DOH sa mga health professionals na mag-volunteer.
Kasabay naman nito ay nanawagan rin si Rodriguez sa DOH na sa halip na volunteers ay i-hire na lamang ang karagdagang mga doctor at nurse at bayaran ito ng naayong professional fee.
Dapat rin silang bigyan ng hazard pay at special risk allowance.