Ni: JHOMEL SANTOS
MAGPAPATULOY ang pagsasaka at pangingisda sa panahon na umiiral ang enhance community quarantine sa buong Luzon bunsod ng COVID-19 matapos pinayagan ng inter-agency task force for the management of emerging infectious diseases (IATF-EID).
Bunsod din ito sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) para matiyak na sapat ang supply ng mga agricultural products sa panahon na pinaiiral ang total lockdown.
Sa resolution no. 15 ng IATFD, binigyan ng exemption ang malulusog na magsasaka, mangingisda, farm workers at agri-business personnel sa travel ban para makapagsaka o makapangisda.
Pinapayagan din ang mga agricultural supply stores o outlets, gayundin ang mga veterinary clinics na manatiling bukas sa panahon ng lockdown.
Muling nilinaw ng IATF na walang sagabal na pagbiyahe sa lahat ng mga supply sa agrikultura kabilang ang mga materyales sa food packaging at manufacturing.