MARGOT GONZALES
AAYUDAHAN ng ‘Pantawid sa Walang Pasada’ ang mga drayber na tigil trabaho dahil sa enhanced community quarantine.
Ito ang nakikitang paraan ng chairman ng Senate Committee on Public Services na si Grace Poe bilang suporta sa mga public utility drivers.
Base sa kanilang naging pag-aaral ani Poe, may tinatayang P17 billion na pondo ngayon ang Department of Transportation (DOTR) na naka-tengga dahil sa community quarantine na maaaring ma-realign sa mas kapaki-pakinabang na programa.
Giit pa ni Poe na imbis na gamitin ng DOTR ang pondo sa mga pangtayo ng kanilang programa ay itulong na lamang ito sa pambili ng pagkain ng mga apektadong drayber.
Napakaloob kasi sa nilagdaang bagong batas ng pangulo na “Bayanihan To Heal As One” act na maaaring ipahinto muna ng mga concerned agencies ang kanilang existing programs at gamitin na lamang ang pondo dito sa pagtulong sa pagsugpo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa tala, mayroong nasa 130,000 jeepney drivers at 65,000 transport network vehicle service drivers (TNVS) sa buong Pilipinas at tinatayang hindi bababa sa 13,000 bus drivers at 47,000 motorcycle taxi drivers sa Metro Manila na apektado ng suspensyon ng mass public transport dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.