KINUMPIRMA ni House Speaker Alan Peter Cayetano na may mga paggalaw umano o coup plan ang kampo ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco para mapatalsik siya sa pwesto na siya namang itinanggi ni Velasco.
Ang dalawa ay bahagi ng term sharing agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa posisyon bilang Speaker of the House.
“Normal naman kapag nahuhuli, nagde-deny. But unless 20 congressmen are lying to me, that pinapangakuan ng chairmanship at sinasabi na “next year is my budget, ako na magdidikta kung kanino ibibigay, etc.” and I don’t think naman mang-iintriga ang 20 congressmen.”
Ito ang pahayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos lumutang ang pangalan ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na umano’y nasa likod ng tangkang pagpapatalsik sa kaniya sa pwesto.
Ayon kay Cayetano, ginagamit raw kasi ang issue sa budget at ang ABS- CBN franchise para matanggal siya bilang lider ng Kamara.
Bagama’t hindi direktang pinangalanan, giit ni Cayetano na may paggalaw umano sa kabilang kampo para sirain ang kasalukuyang liderato.
Ang dalawang kongresista ay bahagi ng term sharing agreement na ipinanukala ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan 15 buwan uupo si Cayetano bilang speaker habang tatapusin ni Velasco ang 21 na natitira sa term ng 18th Congress.
“Nangangako ng pondo at chairmanships at ‘yung iba, s’ya mismo kausap. But as I’ve said, kapag nahuli, ano pa ba ang sasabihin? But you know I tend to ignore these things. Kaya lang siguro masyadong magaling ang inyong Intelligence House Media, lumabas-labas, nagpag-usap-usapan. But you know as I’ve said sanay naman ako, I’ve been in politics for 28 years and there’s always someone after your position ‘di ba? But now that he said that he will wait, he intends to honor it. So honor it by supporting the majority ‘di ba? Meron kasing pananabotahe sa budget na nangyayari ngayon that I have to deal with na na-trace namin sa kampo nila. But we will deal with it decisively.”