TERRIJANE BUMANLAG
KINUMPIRMA ni Department of Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naka-recover na sa coronavirus disease 2019 ang tatlumpu’t isang empleyado ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Ayon kay Vergeire, nakatanggap na raw ng dalawang negative test results ang nasabing mga tauhan ng RITM, kung kaya’t nakabalik na ang ilan sa mga ito sa kanilang trabaho.
Samantala, siyam pa ang naghihintay ng resulta ng kanilang ikalawang test na inaasahang mari-release ngayong araw ng Lunes, habang nananatili ang mga ito sa tinutuluyang dormitory.
Sinabi ni Vergeire na umaasa ang RITM na sa pagbabalik ng kanilang mga staff ay makakatulong ang mga ito sa kasalukuyan nilang testing capacity na 2,700 tests kada araw.
Nag-request na rin aniya sila ng karagdagang apatnadaang personnel upang tumulong sa pagproseso ng mga sample sa RITM.