45th season ng PBA, paiikliin
JAMES LUIS
PAIIKLIIN na lamang ng PBA ang 45th season nito matapos na opisyal na i-extend ng Pangulo ang enhanced community quarantine hanggang sa katapusan ng Abril.
Sa isang online meeting na ipinatawag ni PBA Chairman Ricky Vargas, napagkasunduan ng PBA Board na paikliin na lamang ang current season ng PBA sa dalawa o isang conference.
Ayon naman kay PBA Commissioner Willie Marcial, sa ngayon ay mas pabor ang boards sa dalawang conferences ngunit kung sakaling ma-extend muli ang ECQ ay maaaring mapa-ikli na lamang ito sa isa.
Sa parehong meeting, napagkasunduan din ng liga na magdonate ng isang-milyong pisong halaga ng PPEs para sa mga frontliners at muling magpatawag ng board meeting ang PBA sa Abril a-30.