Ni Jonnalyn Cortez
LAHAT ng pagkain ay nakakabusog, pero hindi lahat masasabing masarap. Ang ilan ay tinatawag na palatable o malasa pag kinakain.
At, hindi lahat ng masarap na pagkain ay masustansya, katulad na lamang ng pizza, junk food, burgers, fries, chocolate, at marami pang iba. Kumpara sa gulay at prutas, mas patok ang mga pagkaing ito sa anumang kainan at handaan. Gayunpaman, bakit nga ba mahirap tanggihan o iwasan ang mga ganitong pagkain kahit pa tayo ay busog na?
Sa mga naturang pagkain, isa ang synergy sa mga pangunahing sangkap na nag-po-produce ng “artificially enhanced palatability experience” o pagpapasarap ng pagkain. Tinatawag ito ng mga researchers na hyperpalatability. Dahil dito, nasasarapan ang karamihan sa pagkan ng mga ito.
Ayon sa isang artikulo mula sa The Independent, ang mga sangkap na nauugnay sa palatability ay asin, asukal, fat at carbohydrates. Kaya nitong i-activate ang brain-reward neurocircuits tulad ng epekto ng drugs, cocaine o opioid sa ating utak. Kaya nitong lusutan ang mechanism sa ating katawan na nagpaparamdam sa atin ng kabusugan at nagpapahinto sa ating kumain. Dahilan upang hindi matanggihan ito at tuluy-tuloy na kumain kahit pa busog na.
Sa isang published na pag-aaral kasama ang nutritional scientist na si Debra Sullivan, may tatlong clusters ang mga pangunahing sangkap na ginagawang masarap at malasa ang ating mga pagkain.
Una, ang fat at sodium ay mayroong mahigit 25 porsyento ng kabuuang calories o kcal mula sa taba at 0.30 porsyento naman ng sodium bawat gramo ng pagkain. Ang halimbawa nito ay bacon at pizza.
Pangalawa, ang fat at simple sugar na mayroong mahigit 20 porsyento ng kabuuang calories mula sa taba at mahigit 20 porsyento rin ng kcal mula simple sugar tulad ng cake.
Pangatlo, carbohydrates at sodium na mayroong mahigit 40 porsyento ng kcal mula carbohydrates at 0.20 porsyento ng sodium kada gramo ng hinaing pagkain tulad ng buttered popcorn.
Ang mga pagkaing tulad ng mga ito ay madaling mabili, mura, at matatagpuan kahit saan. Kaya naman, hindi na nakakagulat na nauugnay ang mga ito sa obesity.
Sa ilang mga dokumentaryo na ginawa 15-20 taon na ang nakakaraan, ibinunyag na ang mga food companies ay nakapag-develop ng mga formula upang gawing malasa at appetizing ang mga pagkain, dahilan kaya hirap ang maraming iwasan ito. Gayunpaman, tila binabantayang maigi ng mga food manufacturers ang kanilang mga sangkap bilang trade secrets upang hindi mapag-aralan ng mga researcher.
Ano ang mga pagkaing ito? Ayon sa librong isinulat ni David Kessler noong 2012 na “Your Food is Fooling You: How Your Brain is Hijacked by Sugar, Fat, and Salt,” ito ay ilan sa ating mga paborito, tulad ng matatamis na inumin, chichirya, cookies, candy, at iba pang junk foods. Syempre pa, kasama rin d’yan ang mga fast food meals, kagaya ng fried chicken, pizza, burger at fries.