MELODY NUÑEZ
WALANG matibay na ebidensya ang Department of Health na magsasabi na muling tinamaan ng COVID-19 ang isang gumaling na pasyente.
Ito ang paglilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng lumabas na ulat na may dalawang gumaling na pasyente sa Southern Philippines Medical Center ang nag-positibo muli matapos ang 14-day home quarantine.
Ayon kay Vergeire, posibleng remnant o latak ng namatay na virus ang na-detect ng polymerase chain reaction (PCR) machines kaya nag-positibo muli sa test ang recovered patients.
Tiniyak ng opisyal na mabuti naman ang kalagayan ngayon ng dalawang pasyente at patuloy na pinag-aaralan ng DOH ang insidente.
Aniya, nakauwi na ang isa sa dalawang pasyente matapos mag-negative, habang ang isa ay hinihintay pa ang resulta ng ginawang swab test.