SAM GUTTIEREZ
MAMAMAHAGI ng cash assistance ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa mga freelancer sa audio-visual industry na apektado ng enhance community quarantine.
Ayon kay FDCP Chairperson Liza Dino-Seguerra, labis na apektado ng lockdown ang mga freelance audio-visual live performance workers dahil sa pagkaka-kansela ng maraming events, shoots, cinema screenings at iba pa.
Kaya naman sa ilalim ng disaster emergency assistance and relief program (DEAR Program) ng FDCP, target ng council na matulungan ang 5,000 freelancers na hindi nakakapagtrabaho.
Prayoridad namang matulungan ng FDCP ang mga low-income earners kung saan ang mga magiging kwalipikado ay tatanggap ng 8,000 na tulong pinansyal.
Kabilang sa sakop ng programa ay mga freelance talents at on-cam performers, production staff, technical crew, writers, editors, reporters at photographers.
Para sa mga katanungan kaugnay ng DEAR Program magmessage lang sa official facebook page ng FDCP o mag email sa dearnationalregistry@fdcp.ph.