MELROSE MANUEL
NATIONWIDE na ang free bus service for health workers program na isinasagawa ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa DOTr, ang libreng sakay para sa mga medical frontliner ay naipatutupad na hindi lamang sa National Capital Region (NCR), kundi maging sa iba pang rehiyon sa buong bansa, kabilang ang Regions 1, 2, 3, 4a, 4b, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, at 12.
Kahapon, Abril a-5, umabot na sa 58,785 ang kabuuang bilang ng mga medical frontliners na natulungan ng programa, kung saan umabot sa 27,092 ang mga nag-avail sa NCR, habang 31,693 ang kabuuan naman sa iba pang mga rehiyon.
Bukod pa rito, makikita na ngayon ang labing siyam na ruta ng libreng sakay sa google maps na magbibigay-daan upang mas mapadali para sa mga health workers na malaman kung saan maaaring i-avail ang free ride ng DOTr.
Samantala, para naman sa mga health workers na may sariling sasakyan, libre na ang kanilang toll fee sa lahat ng expressways sa Luzon habang nakataas ang enhanced community quarantine.