MARGOT GONZALES
MAGLALABAS ngayon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng memorandum order kaugnay ng proper disposal sa gamit ng healthcare workers na exposed sa mga pasyenteng may COVID-19.
Layunin nito na kalampagin ang publiko, lalo na ang local government units sa waste management ngayong panahon na may pandemic virus ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda.
Kaugnay nito, nanawagan ang DENR na bukod sa mga healthcare workers ay proteksyunan at bigyan din ng gamit ang mga garbage collector.
Nagpaalala rin ang environment official sa mga healthcare workers na siguruhing naihihiwalay ng tama ang kanilang disposable na mga personal protective equipment tulad ng gloves at face masks matapos gamitin.
Nakasaad sa RA No. 9003 o Solid Waste Management Act na dapat siguruhin ng LGUs na naitatapon ng tama ang lahat ng uri ng basura para matiyak ang proteksyon ng public health at kalikasan.