NI: CHAMPAIGNE LOPEZ
ANG sakit sa puso ay hindi dapat ipagwalang bahala dahil kung mapabayaan maaring magresulta sa komplikasyon at ikamatay. Makabubuti na alamin ang iba’t-ibang klase ng sakit sa puso upang mapangalagaan ang ating sarili at mga mahal sa buhay.
Arrhythmia. Ito ay ang hindi tuloy-tuloy na pagtibok ng puso. Ang pagkakaroon ng high blood pressure ang pangunahing sanhi nito sumunod ang labis na pag-iinom ng alcohol drinks, malakas na paninigarilyo at stress.
Atherosclerosis. Karaniwang nakukuha ito sa pagkaing maraming taba at ma-kolesterol dahil nakakabara ito sa ugat ng puso o coronary arteries. Ang atherosclerosis ay resulta ng pagdami ng bara sa arteries na siyang dahilan ng pagkipot nito na sanhi sa paninikip ng dibdib o atake sa puso na kung hindi maagapan ay maaring ikamatay.
Heart failure. Ang paghina ng pagtibok ng puso at walang kakayanan magbomba ng sapat na dugo sa buong katawan ang pangunahing sanhi nito. Resulta ito ng pagkasira ng heart muscle, high blood pressure at pagkakaroon ng arrythmia sa matagal na panahon.
Kung nakakaramdam ng mga sintomas ng mga nabanggit na sakit, agad pumunta sa doctor upang maagapan ito at hindi na lumala. Tandaan din na ang pagkain ng masusustansya at pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga ay makakatulong upang makaiwas sa mga sakit sa puso.