MELROSE MANUEL
NANANATILI pa ring malaya ang Kalayaan Group of Islands sa probinsya ng Palawan at Batanes mula sa banta ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Kalayaan Mayor Robert Del Mundo, hindi pa naaabot ng deadly virus ang kanilang mga isla ngunit mahigpit pa rin nilang ipinapatupad ang enhanced community quarantine protocols na ipinatupad ng pamahalaan sa buong Luzon upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon.
Bukod sa Php 3,000 cash assistance, makakatanggap din ang mga residente ng relief packs na naglalaman ng labinglimang kilo ng bigas, canned goods at instant noodles.
Samantala, wala pa ring naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya ng Batanes matapos itong magpatupad ng maagang travel ban sa mga turista.
Matatandaan na bago pa man magkaroon ng COVID-19 outbreak ay nauna nang nag-organisa ang Batanes ng interagency task force na nagbabawal sa pagpasok ng mga turista sa probinsya noong ikalawang linggo pa lamang ng Pebrero.