CRESILYN CATARONG
HANDA na ang lungsod ng Maynila na magsagawa ng localized mass COVID-19 testing kung saan ayon sa Manila Public Information Office, may kakayahan na ngayon ang lungsod na magsagawa ng mahigit 1,000 COVID-19 swab tests kada linggo.
Ang Manila Health Department at ang anim na districts hospitals ay kayang kumuha ng 232 tests kada araw na may kabuuang 1,624 tests kada linggo.
Ang anim na district hospitals na maaaring magsagawa ng COVID-19 swab tests ay ang ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, at Justice Jose Abad Santos General Hospital.
Ang lahat ng swab test ay iproproseso ng Research Institute for Tropical Medicine o ng University of the Philippines Philippine General Hospital (UP-PGH).
Sa ngayon, sinabi ng MPIO na nasa 934 swab tests na ang naisagawa ng Manila City Government.
Bukod sa Maynila, nagkusa na ring magsagawa ng kanilang sariling mass testing efforts ang Quezon City, Valenzuela City, Pasig City, at Cavite.