WILLIAM VALENCIA
HININGAN ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mayor Vico Sotto ng paliwanag sa sinasabing paglabag nito sa “Bayanihan To Heal As One Act”, ang batas na nagbibigay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng dagdag na kapangyarihan sa pagharap sa mga banta ng COVID-2019.
Ayon naman sa alkalde sa isang interview na sinunod nila ang lahat ng direktiba mula sa national government at wala silang nilabag na kautusan.
Dagdag pa ng alkalde na nagsimula ang isyu ng tricycle operation sa Pasig noong Marso 19, habang naging batas ang Bayanihan Act noong Marso 24, 2020.
Kung maalala na binigyan ng pahintulot ni Mayor Sotto ang pag operate ng mga tricycle sa lungsod ng Pasig upang maghatid ng mga health workers sa mga ospital sa mga unang araw ng Luzon-wide enhanced community quarantine.
Nanindigan naman ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na hindi maaring mag-operate ang mga tricyle sa panahon ng lockdown period dahil mahirap mapatupad ang social distancing.
Iginiit ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na maaring gamitin ng mga local government units ang ibang klase ng sasakyan ng gobyerno sa paghatid ng mga frontline workers.
Ayon naman kay Mayor Vico na pagkatapos nang naging pahayag ni Cabinet Secretary Nograles ay sinunod na ng local government unit ng Pasig City ang pag ban ng tricycle sa lungsod.
Sa ngayon walang magiging hadlang sa patuloy na ginagawa ngayon ni Mayor Sotto sa paglaban sa harap ng mga banta ng COVID-19 sa kanyang lungsod.