Ni: Jonnalyn Cortez
GAYA ng makina ng kotse na kailangan ng gasolina para umandar, ang utak ng tao ay dapat mayroon ding sapat na fuel para gumana.
At para maayos ang takbo ng kotse, dapat hindi maubusan ng gasolina, yoong premium at unleaded para swabe at mabilis ang takbo nito.
Gayundin ang ating utak, hindi natatapos at humihinto ang aktibidad nito kahit pa tayo’y natutulog. Dahil dito, kailangan natin ng masustansya at sapat na pagkain sa araw-araw.
Ayon sa isang pananaliksik, mas aktibo, mabilis at makakapag-isip nang mabuti ang tao kapag tama ang kaniyang diyeta. Nagpapalusog hindi lamang sa ating katawan kundi higit sa lahat sa ating utak ang mga pagkain na sagana sa bitamina, mineral at antioxidants.
Ngunit sa ngayon, marami sa atin ang hindi na masyadong inaalala ang tamang diyeta lalo pa kapag bugbog sa trabaho. Nand’yan ang pagkain ng mga ready-to-eat food, canned goods at iba pang processed na pagkain. Hindi lingid sa atin na ang mga pagkaing nabanggit ay mataas sa “refined sugars”.
Maraming pag-aaral ang nagsasabi na ang diyetang sagana sa pinong mga asukal ay higit na nakapamiminsala sa ating utak. Dagdag pa riyan ang pagpapabagal ng body regulation, pagdudulot ng pamamaga at oxidative stress.
Kung iisipin at mas pag-aaralan pa, malaki ang kaugnayan ng pagkakaroon ng wasto at malusog na diet sa ating mental health. Nakapagtataka lang na sa paglipas ng panahon, hindi kinilala ng medisina ang relasyon at koneksyon nito sa isa’t isa. Ayon pa umano sa ilan, kulang pa ang mga nasabing pag-aaral para magkaroon ng solidong ebidensya para masabing may kaugnayan nga ang diet sa ating mental health.