JUN SAMSON
NILINAW ngayon ng Philhealth na sakop pa rin ng kanilang mga benepisyo ang mga pasyenteng na-confine sa ospital ng dahil sa COVID-19 kahit na may kulang sila sa kanilang mga contributions.
Ipinaliwanag ni Dr. Shirley Domingo, Vice President for the Corporate Affairs Group ng PhilHealth na dahil sa probisyon ng Universal healthcare ay lahat ng Pilipino ay otomatikong miyembro na rin ng PhilHealth.
Nangangahulugan aniya ito na kahit non-member ay pwede nang mag-avail o makinabang ng serbisyo, basta magparehistro muna bago ma-discharge ng ospital para pumasok ang record sa database ng PhilHealth.
Kaugnay nito’y tiniyak pa ni Dr. Domingo na babayaran pa rin nila ang mga ospital na may COVID-19 patients kahit na iyung mga ospital na suspendido ang accreditation.
Idinagdag pa ni Dr. Domingo na sakop din ng PhilHealth benefits ang mga COVID-19 patients na namatay habang ginagamot sa ospital.